LABING siyam na petisyong naglalayon na ibasura ang Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA) ang nakasampa na sa Korte Suprema. Ang mga hiwa-hiwalay na reklamo ay nagbuhat sa iba’t ibang sektor ng lipunan. May galing sa mga pinuno ng mga kolehiyo, mga dating mahistrado ng Korte Suprema, mga dati at kasalukuyang mambabatas, mga manggagawa, magsasaka, mamahayag, manunulat at alagad ng sining, grupo ng apat na Muslim human rights lawyer sa pamumuno ni Bangsamoro human rights commission chair Algamar Latiph, kabataan at mag-aaral. Itong huli, sa mga taong simbahan at kababaihan. Kapag ang mga petisyon ang isasaalang-alang, dahil ang mga umatake sa ATA ay kumakatawan sa iba’t ibang sektor ng lipunan, ang mga ito ay animo’y pag-aalsa ng mamamayang Pilipino laban sa kanilang gobyerno. Bakit nga ba hindi? Sinertipikahan ni Pangulong Duterte ang panukalang batas ng ATA sa Kongreso. Batay rito, binigyan ito ng prayoridad ng mga mambabatas para maipasa kaagad. Kailangan daw nila ang epektibong pamamaraang legal para labanan ang mga terrorista. Sa totoo lang, takot na sa taumbayan ang mga nasa gobyerno at binigyan nila ng armas ang kanilang mga sarili para sa kanilang proteksyon. Naging larangan na ng labanan sa pagitan ng mamamayan at ng kanilang gobyerno ang Korte Suprema. Kung saan papanig ang mga mahistrado ng Korte, kung sa taumbayan o sa mga nagsabwatang opisyal ng gobyerno, nasa kanila na ito.
Nagsimula nang ipamalas ng taumbayan ang kanilang sariling lakas upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Nais nilang sa legal na pamamaraan ay masupil ang nakatutok na panganib sa kanilang buhay at mga karapatan. Ayon kay Sen. Ping Lacson, ang sponsor ng batas sa Senado, walang dapat ipangamba ang mamamayan sa abusong magagawa ng mga awtoridad sa pagpapairal ng batas. Siya raw mismo ang magbabantay at tututok sa pagpapatupad nito upang maiwasan ang abuso. Hindi garantiya ang pangakong ito ng Senador na walang pagmamalabis na gagawin ang mga awtoridad sa pagpapairal ng batas. Hindi sapat na mapigilan nito ang sinumang gagawa ng abuso.
Una, senador siya at hindi naman siya tulad ni Sen. Bong Go na laging nakabuntot sa Pangulo para maipaabot dito kung anuman ang nangyayaring abuso. Nasa ilalim ng kapangyarihan ng pangulo ang mga taong magpapatupad ng batas at siya ang nasa posisyon para atasan ang mga ito na maging maayos at matino sa pagpapatupad ng batas kung gugustuhin niya. Wala namang nagawa si Lacson nang ayaw tuparin noon ni Gen. Ronald Bato ang kanyang pangako na isusumite sa kanyang komite ang mga rekords ng mga napatay ng mga pulis sa pagpapairal ng war on drugs nang dinidinig nito ang mga reklamo laban sa extra-judicial killing. Isyu,aniya, ng seguridad ang idinadahilan ni Pangulong Duterte.
Ikalawa, kahit wala pa ang ATA, marami nang pinatay kahit wala pa ang Anti-Terrorism Council na magdedeklara na ang tao o grupo ay terorista. Red-tagging ang ginagamit ng mga sundalo sa mga aktibista at lider manggagagawa at magsasaka sa kanayunan. Kaya, isa nang magandang hakbang ang ginawa ng mamamayan na labanan ang ATA sapagkat gagamitin lamang ito sa kanila. Kaya, “You can fool some people all the time, you can fool all the people some time, but you cannot fool all the people all the time.”
-Ric Valmonte