Katulad ng itinakda, tuloy pa rin ang State-of the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa sa kabila ng tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa House of Representatives.
Ito ang tiniyak ni Presidential spokesman Harry Roque bilang reaksyon sa report ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa Malacañang na nagsasabing aktibo pa rin sa pagtaas ang kaso ng nasabing virus sa naturang lugar.
Sa isang text message, nilinaw ni Roque na magla-live SONA pa rin ang Pangulo at hindi gagawing virtually.
“As planned,” pagdidiin ni Roque sa tanong na kung pupunta pa rin si Duterte sa Batasang Pambansa para sa kanyang SONA.
Iniulat naman ni Communications Assistant Secretary JV Arcena na hanggang kahapon ng tanghali, mayroon ng 25 na nahawaan ng virus sa PCOO at sa attached agencies nito.
Sa nasabing bilang, aabot sa 17 ang aktibong kaso mula sa kanilang main office hanang ang natitirang anim ay mula sa attached agencies nito. Dalawa naman ang binawian ng buhay.
Sa panayam naman ng Super Radyo DZBB, kahapon, nilinaw naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na magaganap ang SONA sa original venue nito.
“Barring unforeseen circumstances, (it will push through). Mukhang preparado naman ang lahat, ang Kongreso, lalo na sa kanilang pagtanggap kay Pangulong Duterte sa House of Representatives,” sabi pa nito.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS