NABALIGTAD man ng Coronavirus 2019 Pandemic ang buhay ng halos lahat sa mundo, hindi nito magagapi ang pag-asa ng sangkatauhan. Ang pag-asang ito ay naka-ukit sa puso ni Hesus. Kaya nga’t sa Urbi et Orbi ng ating mahal na Papa, pinaalala niya sa atin na si Hesus na ating Panginoon ay hindi natitinag ng kahit anumang pwersa ng kalikasan. Siya ang sinusunod nito.
Marami ng magandang balita ang umuusbong sa ating buhay ngayon, kahit tayo ay nasa panahon ng quarantine. Kailangan lamang buksan natin ang ating mga mata at ituon ito hindi lamang sa bilang ng mga nagagapi ng COVID-19, kundi sa mga positibong pangyayari na tutulong pa sa kabutihan ng sangkatauhan, hindi lamang sa epidemya ngayon, kundi sa darating pang mga panahon.
Nakita natin na ang teknolohiya na ating napuhunanan bilang isang nagkakaisang mundo ay napakalakas na instrumento sa pagbabahagi ng impormasyon at kaalaman. Sa Singapore, halimbawa, nakabuo sila ng isang app na tawag ay TraceTogether. Sa pamamagitan ng Bluetooth technology, nakakapagbigay senyales ang app na ito upang makita kung ang isang taong maaring may COVID-19 ay nakasalumuha ang ibang tao. Naging mas madali sa kanila ngayon ang contact tracing. Sa ating bansa, nakadisenyo na ang UP ng parehong teknolohiya. Sa bersyon ng Pilipinas, kapag confirmed na COVID patient ang isang tao, makikita ang pisikal na distansya nito sa ibang tao at ang haba ng panahon na nakasama niya ang ibang tao.
Nakikita rin natin na nagtutulong-tulong ang mga mamamayan. Alam nating lahat na malaki ang impact ng epidemyang ito sa ekonomiya ng ating bansa. Ayon nga sa Asian Development Bank, maaring umabot ng 2% na lamang ang gross domestic product o GDP ng bansa. Nung nakaraang taon, nasa 5.9% ito. Sa pangyayaring ito, ang maralita ang unang tatamaan. Kahit pa mahirap ito, gumagaan kahit papaano dahil marami pa rin ang nagtutulong-tulong upang sama-sama nating malagpasan ang problema na ito. Buhay pa rin ang bayanihan sa bayan. Nadagdagan man ang araw ng ating community quarantine, tuloy tuloy naman ang bayanihan ng mga Pilipino. Mahirap man ang kinakaharap, pag may bayanihan, hindi natin mararamdam na tayo ay nag-iisa.
Kaya’t kapanalig, sa gitna ng krisis na ito, huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Ayon nga kay Pope Francis, sa kanyang mensahe sa ating lahat: Sa gitna ng ating bagyo, inaanyayahan tayong muli ng Panginoon na gumising at magbigay pag-asa sa bawat isa. Tayo ay magkaisa at mag-alay ng lakas at suporta sa mga panahong ito na tila umaapaw ang kalungkutan. Buhayin natin ang ating pananampalataya sa Pasko ng Pagkabuhay, na nagpapaalala sa atin na sa pamamagitan ng krus, lahat tayo ay nailigtas na.
-Fr. Anton Pascual