SA pagsisikap na malabanan ang COVID-19 virus, tinitingnan ng mga Pilipinong siyentista ang posibilidad na baka makatulong ang ating sariling native therapeutic supplements. Kabilang ang coconut oil.
Matagal nang natuklasan na ang Lauric acid, na bumubuo sa 50% ng coconut oil ay may antiviral properties. Habang ang Capric acid, na bumubuo sa 7 porsiyento ng coconut oil, ay mayroon ding antiviral properties at nakitaan ng magandang resulta laban sa viral disease na HIV, noong 2007.
Sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, ginamit ang Virgin Coconut Oil (VCO) upang makatulong sa 20 pasyente na bilanggo sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center sa isang pag-aaral ng isang propesor ng Ateneo de Manila University. Gumaling ang 20 inmate-patient mula sa mild strain ng coronavirus matapos ang regular na pag-inom ng VCO noong Abril at Mayo.
Dalawa pang halamang gamot – ang lagundi at tawa-tawa—ang nasa listahan ng
therapeutic supplements para sa paggamot sa mga pasyente ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Science and Technology. Ang mga lokal na supplement na ito ay nakatutulong sa pangangalaga at paggamot ng mga Pilipinong pasyente sa ating mga ospital.
Ngunit ang inaabangan at hinihintay ng lahat ngayong pandemya ay ang pagtuklas at malawakang paggamit ng isang epektibong bakuna na makatutulong sa bilyun-bilyong tao sa mundo, na ngayo’y nangangamba na mahawa ng nakamamatay na COVID-19 virus.
Pinakatinututukan sa 200 na nagpapatuloy na pag-aaral sa mundo, ang pag-aaral ng University of Oxford sa England katuwang ang kumpanyang AstraZeneca, na nagsabing ang kanilang bakuna ay possible nang mailabas “globally” sa pagtatapos ng taon. “Perhaps a little earlier if all goes well,” pahayag ni AstraZeneca Director Pascal Soriot.
Ang ikalawang grupo – ang Pfizer ng United States at German biotech group BioNTech – ang bumubuo sa isang kakaibang uri ng bakuna na nagdudulot sa human cell na gayahin ang outer surface ng coronavirus. Makikita ng ito ng katawan bilang foreign invader at aaksiyon ang immune system laban sa virus. Nakipagkasundo na ang US sa isang $1.95-billion deal sa Pfizer upang makakuha ng 100 million doses ng bakuna para sa mga Amerikano.
Ikatlong bakuna naman ang binubuo ng CanSino Biologics at military research unit ng China. Nagpakita ito ng immune response sa halos 508 volunteers, ayon sa mga researchers. Siniguro naman ni Chinese Ambassador to Manila Huang Xilian nitong Martes na bibigyan ng China ng prayoridad ang Pilipinas kapag handa na ang bakuna.
Gayunman, ang mga bakunang ito ay inaasahang mailalabas sa pagtatapos pa ng taon. Gugugol din ng mahabang panahon ang produksiyon ng daang milyong doses nito, gayundin ang distribusyon nito para sa lahat ng bansa sa mundo na bibili ng bakuna.
Makakukuha tayo ng bakuna ngunit mas matagal kumpara sa ibang mga bansa na mas nangangailangan at mas may malaking resources. Hanggang sa makakuha tayo, kailangan nating gawin ang ating makakaya, gamit ang mga paarang mayroon tayo, kabilang ang paggamit ng lokal na therapeutic supplement na nakatutulong naman sa ating mga pasyente.