BATAY sa mga ulat, lalo pang lumawak ang tinatawag na fiscal deficit ng pamahalaan sa nakaraang anim na buwan (Enero-Hunyo) dahil sa pananalasa ng COVID-19 pandemic na nagresulta sa pagkakaloob ng tulong-pinansiyal sa milyun-milyong Pinoy na nawalan ng trabaho.
Ayon sa pinakahuling data ng Bureau of Treasury (BTr), nagkaroon ang gobyerno ng P560.4 fiscal deficit sa unang anim na buwan ng 2020, malaking pagsikad o pagtaas mula sa P42.6 bilyong deficit na nai-record sa kaparehong panahon noong 2019.
Gayunman, mas mababa pa rin ang pinakahuling budget gap o fiscal deficit na ito sa government ceiling na P751.1 bilyon para sa unang kalahating taon. Nananatiling nasa negatibong kalagayan ang posisyong-pinansiyal ng bansa sa unang semestre kahit medyo umusad nitong Hunyo kasunod ng koleksiyon ng income taxes na dapat nai-file na noon pang Abril, at pagluluwag sa restriksiyon ng community quarantine na nagbunga ng muling pagbubukas ng ilang negosyo at kalakalan.
Sa maikling paliwanag bagamat ito ay medya teknikal, ang surplus ay nangyayari kapag ang gobyerno ay nagtatamo ng higit na revenues o kita kaysa gumastos samantalang ang fiscal deficit ay nagaganap kapag ang gastos o expenditure ay lumabis sa revenues o kita. Sa ordinaryong Juan dela Cruz, may kahirapang unawain ito, higit niyang nauunawaan ang pagkawala ng trabaho at kita sapul nang ideklara ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso.
Hindi kasama sa panukalang amyendahan ang mga probisyon ng 1987 Constitution ang pagpapalawig o extension ng termino ni Mano Digong. Bababa siya sa puwesto sa 2022. Ayon kay DILG Usec. at spokesman Jonathan Malaya, hindi bahagi ang term extension ni PRRD sa tinatawag na “surgical amendments” na isinusulong ng DILG para aksiyunan ng Kongreso. Aba, mabuti naman.
Naghain din sina retired Supreme Court Justice Antonio Carpio at retired Ombudsman Conchita Carpio-Morales ng kaso (11th case) laban sa Anti-Terror Act (ATA) of 2020 sa SC. Ayon sa kanila, ang ATA o RA 11479 ay dapat ideklarang unconstitutional dahil binibigyan nito ang Anti-Terrorsim Council (ATC) ng mga kapangyarihan na higit pa sa Pangulo.
Sa banner story ng isang English broadsheet noong Huwebes, ganito ang nakasaad; “DOJ: 476 inmates died in first half of 2020.” Aba naman, eh bakit ngayon lang ito ipinaalam sa mga mamamayan. Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sa pagsisimula ng 2020, dalawang preso ang namamatay kada araw sa mga bilangguan na nasa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor).
Samantala, sinabi ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee na dapat magsumite si BuCor Director General Gerald Bantag ng report tungkol sa pagkamatay ng mga preso sa NBP, at dapat din siyang magbakasyon (leave of absence) kasunod ng mga ulat sa pagkamatay ng ilang high-profile inmates, gaya ni Jayvee Sebastian, na convicted sa malulubhang krimen at isa pa rin umanong drug lord, na nagsangkot kay Sen. Leila de Lima.
Pinayuhan ng Pangulo ang mga Pinoy na i-disinfect ng gasolina ang face mask sa pamamagitan ng pagbababad dito upang muling magamit laban sa COVID-19. Sabi ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Ano bang payo yan? Baka ang tao pa ang unang mamatay kaysa virus kapag ibinabad sa gasolina ang facial mask.” Biro lang po.
Sinabi ni Usec Maria Rosario Vergeire na posibleng nagbibiro lang ang Pangulo. Ayon kay Vergeire palabiro si PRRD, at tiyak na nagbibiro lang siya nang payuhan ang mga Pinoy na ibabad sa gasolina ang face mask para magamit uli. Tiyak daw na patay ang virus. Ewan lang natin kung sasabihin niya na hindi siya nagbibiro.
Naniniwala ang mga mamamayan na isa nga lang itong biro. Isipin mo kung gagamit ka ng maskara na babad sa gasolina, baka pag nadikit ka sa isang naninigarilyo, bigla kang magliyab. Patay kang bata ka!
-Bert de Guzman