Uunahin muna ng House of Representatives (HOR) o Kamara ang pagpapatibay sa 2021 national budget at mga panukalang batas para matugunan ang hamon at pinsala ng COVID-19 pandemic sa halip na talakayin ang Charter Change (Cha-Cha).
Iginiit ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi nila bibigyan ng prayoridad ang pagbabago ng Constitution, at tatalakayin lang ito matapos pagtibayin ang mahigit sa P4 trilyong pambansang budget para magamit sa paglaban sa coronavirus.
Sinabi ni Cayetano na bukod sa layuning isulong ang mga susog sa economic provisions, maaaring talakayin at himayin din ng Kongreso ang mga panukala hinggil sa mas mahabang termino ng mga pulitiko.
Sa ngayon, tatlong taon lang ang termino ng mga kongresista at lokal na opisyal samantalang ang mga senador ay anim na taon.
Nais ng mga kongresista ang limang taong termino ng tatlong sunud-sunod na termino (3-consecutive terms), o apat na taong termino nang walang restriksiyon sa reeleksiyon.
“The problem with the arguments here in the Philippines is there’s too much hypocrisy, and I keep saying that no one is innocent. That’s why we have to change the system,” ani Cayetano kaugnay sa usapin.
-Bert de Guzman