BORACAY ISLAND – Posibleng buksan na sa Setyembre ang Boracay Island para sa mga turistang nanggagaling sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ito ang inihayag ni Aklan (2nd District) Rep. Teodorico Haresco at sinabing hinihintay na lang matapos ang itinatayong Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing center ng probinsiya bago ipatupad ang nasabing hakbang.
Inaasahan aniyang matatapos ang gusali sa susunod na buwan.
Bahagi umano ito ng paghahanda ng lalawigan sa pagseseguro sa mga turista na coronavirus disease 2019 (COVID)-free ang industriya ng turismo sa isla.
Ipinunto rin ng kongresista na marami na ring bansa ang nagbubukas ng kanilang turismo sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Jun N. Aguirre