SA statement na inisyu ni DILG Undersecretary Jonatahan Malaya, sinabi niya na ang mga kasapi ng League of Municipalities of the Philippine (LMP) ay nagpasa ng resolusyon na naglalayong baguhin ang ilang probisyon ng Saligang Batas. Nais, aniya, ng LMP na gawing bahagi nito ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Mandanas at alisin ang paghihigpit sa foreign investment sa mga industriyang limitado lamang sa mga Pilipino. Sa ilalim ng Mandanas ruling ang internal revenue allotment sa mga local government ay hindi lamang magbubuhat sa mga buwis na nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue kundi sa lahat ng buwisna pumapasok sa gobyerno. Pero, ang pag-aamyenda ng Konstitusyon, ayon kay Malaya, ay bahagi ng agenda ni Pangulong Duterte. Ito raw ay hakbang ng pagwawasto na nais makamtan ng agenda ng Pangulo na mapabuti ang buhay ng mammayan lalo na kailangang makabangon tayo sa naging epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng ating bansa.
Lumalabas na ang lihim na layunin ng Pangulo sa paghirang niya sa mga retiradong heneral sa kanyang Gabinete. Ang pinuno ng DILG ay si Ret. Gen. Eduardo Año na nagretirong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines. Nasa ilalim ng kanyang departamento ang mga local government unit kasama rito ang mga munisipyong bumubuo ng LMP na nagpepetisyon na baguhin ang ilang probisyon ng Saligang Batas. Bakit kailangan pang baguhin ang Saligang Batas kung ang layunin ay gawing bahagi nito ang Mandanas ruling? Eh bahagi ito ng batas ng bansa dahil desisyon ito ng Kataastaasang Hukuman. Kaya, nasa Saligang Batas man o wala ang desisyon nito sa kasong Mandanas dapat ito ay sundin. Pinababango lang ng layuning ito ang charter change upang mahikayat ang mga pulitiko na suportahan ang pagnanais ng Pangulo na nilalako o ipinipilit sa kanila ng DILG.
Kaya, nagkakapigura na rin ang pagkatatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na dapat sana ang nangunguna dito ay ang Department of Health dahil ito, na sa pangalan na lang, ay laban sa sakit na nakakahawa tulad ng COVID-19. Ang kalihim nito ay dapat humarap sa taumbayan upang ipinaalam ang mga plano ng gobyerno para masugpo ito at nagbibigay ng tunay na kalagayan ng bansa sa pakikibaka laban dito. Ang mga departamentong may kaugnayan sa ekonomiya, partikular ang pananalapi, trabaho at negosyo, ay dapat nasa loob din ng task force. Sila ang naglalatag ng mga plano at ipinaalam sa taumbayan ang gagawin ng gobyerno upang makapaghanda ang mamamayan at makagawa ng kani-kanilang paraan para maayos naman nila ang kanilang kabuhayan. Ang problema, ang mamumuno ng task force ay retired general ng Armed Forces of the Philippines, ang Departamentong namamahala ng pagtulong tulad ng Deparment of Social Welfare and Development ay isa ring mataas na retiradong opisyal ng army at ang pinuno ng Joint Task Force COVID Shield ay si Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Sa ngalan ng paglaban sa COVID-19, nakakalat na sa buong bansa ang mga pulis at sundalo in full battle gear. Hindi na kinakailangan ideklara pa ang martial law. Pinaiiral na ito at itinataguyod sa mga paraan ng pagsugpo ng pandemya lalo na’t itinuturing ng Pangulo na ang nagkakalat nito ay serious crime at iniatas niya na ang mga ito ay ikulong. Kaya, palulubhain sa ating bansa hindi lang ang pandemya kundi maging ang paglabag sa karapatang pantao kapag pinairal na nang lubusan ang Anti-Terrorism Law.
-Ric Valmonte