Binaril at napatay ng apat na hindi nakilalang lalaking naka-motorsiklo ang isang 25-anyos na lalaki na bagong laya pa lamang umano sa piitan, Tondo, Maynila, nitong Huwebes ng hapon.

Dead on the spot ang biktimang si John Patrick Alvear, taga- 2184 Isabelo Delos Reyes Street, Tondo dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nakatakas na salarin na pawang nakasakay sa dalawang kulay itim na motorsiklo.

Inilarawan naman ng ilang saksi ang gunman na nakasuot ng t-shirt na puti at jacket na itim habang ang back up nito ay naka-helmet at facemask na bumaril din at ang dalawa pa ay nagsilbing alalay ng gunman na pawang naka-shorts.

National

Atty. Jimmy Bondoc, bet ding maging ka-tandem ni VP Sara si Sen. Robin

Sa report ng Manila Police District (MPD), ang insidente ay naganap sa eskinita, malapit sa bahay ng biktima, dakong 2:45 ng hapon.

Bigla na lang umanong dumating ang dalawa sa apat na salarin at pinasok ang isang eskinita.

Sinabihan umano ng mga ito ang mga tao na magsipasok ng kanilang tahanan.

Nang makita si Alvear ay kaagad umano itong tinutukan ng baril at tinanong kung siya ba si ‘Patrick.’

Ayon sa ina ng biktima, kitang kita niya na nakataas pa ang kamay ni Alvear at nagmamakaawa ngunit binaril pa rin siya ng mga salarin.

Apat na buwan pa lamang umanong nakalalaya mula sa Manila City Jail ang biktima dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

-Mary Ann Santiago