Nagpaalala kahapon ang Department of Health (DOH) sa mga pamantayang dapat sundin sa pagkuha ng mga contact tracer.

Kasunod ito ng pahayag ng Philippine National Police (PNP) Region 7 na plano nilang kumuha ng mga chismoso at chismosa bilang contact tracer o yaong tumutunton sa mga taong nagkaroon ng close contact o nakasalamuha ng mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may inilabas na silang guidelines hinggil rito.

Aniya, kasama sa nasabing guidelines ang pamantayan sa pag-disclose ng impormasyon ng ating mga kababayan.

National

Atty. Jimmy Bondoc, bet ding maging ka-tandem ni VP Sara si Sen. Robin

Sinabi pa niya na ang pahayag ng PNP Region 7 ay maaaring para lamang mas mapaigting ang kanilang contact tracing.

Ani Vergeire, batay sa datos ng DILG na siyang nangangasiwa sa contact tracing, mayroon nang 73,985 contact tracer ngayon sa bansa.

Plano naman aniya itong madagdagan pa ng DILG kung mabibigyan ng pondo.

Ang DOH naman aniya ay tumutulong sa contact tracing sa pamamagitan ng mga nurse na kanilang idineploy para tumulong sa surveillance at contact tracing.

Aabot aniya sa 8,786 nurses ang kanilang naideploy para rito.

-Mary Ann Santiago