Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga taong namemeke ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) test results na ang kanilang ginagawa ay magreresulta sa higit pang pagkalat ng virus sa bansa.
Ang babala ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng viral photos na isang printing shop sa Quezon City ang gumagawa ng mga pekeng resulta ng COVID-19 tests at kaagad naman nang inaksiyunan ito ng Philippine National Police (PNP).
“Dapat maintindihan din ng mga tao ‘yung pag-fake n’yan might cause the further transmission of diseases if we do that,” ayon kay Vergeire, sa isang online media forum.
Pinaalalahanan rin naman ni Vergeire ang local government units (LGUs) at mga institusyon na nagsasagawa ng coronavirus tests na maglaan ng mas maraming safeguard para matiyak ang tama at secure na pag-release ng mga resulta ng pagsusuri.
“Kailangang paigtingin ng ating mga local governments and other institutions ‘yung release ng results dahil ito ay importante at pine-fake nga eh,” ayon pa kay Vergeire.
Iminungkahi pa ni Vergeire na makatutulong ang mas maraming safety features gaya ng barcode para maiwasan ang insidente ng pamemeke.
Aniya, natukoy ng PNP na ang mga dokumento na pinipeke ay ang medical certificates para sa rapid antibody tests.
Makikipag-usap na aniya sila sa mga LGUs para maiwasan ang mga ganitong insidente.
-MARY ANN SANTIAGO