CONCEPCION, Tarlac – Inihayag kahapon ng Department of Health (DOH) na totally lockdown na kahapon ang nasabing bayan nang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang residente kamakailan.
Sa pahayag ng pamahalaang lokal ng nasabing bayan, inilabas nila ang hakbang nang magpositibo sa COVID-19 ang isang 37-anyos na lalaki mula sa Barangay Alfonso, kamakailan.
Binanggit na walang makalalabas na residente, maliban na lamang kung mayroong emergency o bibili ng pagkain.
Ipinagbabawal din ang pagpasok ng mga hindi residente.
Ang nasabing lockdown ay matatapos ngayong araw (Sabado).
Sa rekord ng Tarlac COVID-19 Task Force, may mga nagpositibo rin sa Camposanto, Moncada; Bgy. Mabini, Tarlac City na ang biktima dito ay isang 22-anyos na babae.
Nahawaan din ng virus ang isang 29-anyos na lalaki sa Bgy. Motrico, La Paz, Tarlac, gayundin sa Bgy. Mapalacsiao, Tarlac City na 52-anyos na lalaki ang biktima.
Samantala, aabot naman sa 46 katao ang inaresto sa paglabag sa ipinaiiral na curfew sa Tarlac City sa nakalipas na 24 oras.
-Leandro Alborote