SA gitna ng ingay na dulot ng pagsasara ng media network na ABS-CBN, higit na mabigat na kaganapan, lalo na sa usaping batas, na tila natabunan, ang makasaysayang desisyon ng US Supreme Court na nagsasaad na sinumang pangulo ng Amerika ay hindi maipipilit ang ‘absolute immunity’ mula sa criminal investigation habang nanunungkulan.
Iginiit ni US Chief Justice John Roberts na sumulat ng opinyon na “no citizen, not even the President, is categorically above the common duty to produce evidence when called upon in a criminal proceeding.” Mahalaga ang tindig na ito lalo’t iginigiit ng high tribunal ng ating bansa ang desisyon ng US sa mga legal na usapin nang hindi ikinokonsidera ang batas natin.
Malaki at marami ang epekto ng desisyon ng US SC. Pinagtitibay nito ang madalas banggitin na “walang nakahihigit sa batas” at pinagtitibay rin nito ang paniniwala ng publiko na ang immunity, tulad ng press freedom, ay hindi buo ngunit pasok din sa ilang restriksiyon.
Bagamat ang desisyon ng korte ng US ay itinulak ng isang grand jury subpoena, ang pagbabagong ito ay hihikayat sa pagpapalit ng judicial system ng ating bansa sa isang mabilis na justice system na nagtatakda sa mga mahistrado na tutukang resolbahin ang mga kaso sa ilalim ng rule of court.
Lumabas ang US ruling ilang araw matapos ibasura ng Korte Suprema ng ating bansa ang petisyong naglalayong makialam upang ilabas ng Malacañang ang medical records ng Pangulo at ipaalam sa publiko ang tunay na kalagayan ng kalusugan nito. Iginiit ng petisyon ang Sec. 12, Art. VII ng 1987 Constitution, na nagsasaad na: “In case of serious illness of the President, the public shall be informed of the state of his health.”
Ang kalusugan ng pinuno ng estado ay isang isyu na mahalaga para sa mga taong naghalal sa kanya sa posisyon. Bagamat sa kaso ng US, may kinalaman ang subpoena para sa business records ng Presidente, ang naging desisyon sa Amerika ay maaari gamitin sa sitwasyon sa Pilipinas, sa pagpapahintulot na makapaghain ng kaso sa mga bagay na wala namang direktang epekto sa opisyal na tungkulin ng punong ehekutibo.
Ang proteksiyong ibinibigay ng immunity ay hindi dapat igiit bilang lubos na sandata. Dapat ding panagutin ang punong ehekutibo sa mga nagawa nito sa nakalipas bago pa siya hirangin bilang pinuno ng bansa. Ang panunumpa ng pangulo sa opisina ay nangangailangan ng tapat at tunay na pagsunod sa tungkulin, pagdepensa sa Konstitusyon, pagpapatupad ng batas, pagbibigay ng katarungan sa bawat isa, at dedikasyon sa pagseserbisyo sa bansa. Walang nabanggit na siya ay nakahihigit sa batas.
PERSONAL: Heartfelt thanks to those who condoled with us in our hour of bereavement due to the passing of Ofelia Enriquez Dayang, my beloved wife, and mother of my children, Bernadette, Jed, and Princess. May God in His kindness extend to her eternal happiness.
-Johnny Dayang