“SAMA Na, Census Na!” ito ang panghihikayat ni Popstar Royalty, Sarah Geronimo-Guidicelli sa ad campaign niya para sa mamamayang Pilipino.

Sarah

Inamin ni Joseph Cajita, Chief Statistical Specialist ng PSA na kaya si Sarah ang kinuha nilang ambassadress ng Philippine Statistic Authority o PSA ay dahil naniniwala silang effective at maraming tagasubaybay sa wifey ni Matteo Guidicelli.

“As much as possible gusto namin mas malawak ang marating ng aming campaign para mabilis sa gagawing census. Siya ang bagay sa ganoong estado na makapagbibigay ng mas malawak na campaign para sa proyektong ito,” sabi ni Joseph.

Bianca Gonzalez na-pressure daw maging main host; Toni Gonzaga, mukha ng PBB

Dagdag din ni Minette Esquivias, OIC Deputy National Statistician, “yung reach niya malawak at sobrang hanga kami kasi napaka-cooperative niya sa shoot, pagdating sa set, alam na niya ang gagawin niya at memorize na niya ‘yung jingle.”

Sa Setyembre 20 ang takdang buwan para makilahok sa 2020 Census of Population and Housing (CPH).

Sobrang thankful naman si Sarah G sa pagkuha sa kanya ng PSA at hindi nahirapan ang team para sa ginanap na infomercial shoot bago inabutan ng lockdown noong Marso.

Kaya pala nabanggit nina Matteo at Sarah na saka na ang ‘honeymoon’ dahil marami silang commitment.

Inamin din ng mga taga-PSA na noong Enero pa natapos ang negosasyon nila ng Viva, management company ni Sarah at kaagad itinakda ang shooting.

Sa virtual conference ng PSA gamit ang Zoom app nitong Martes ay ipinakita ang 60-second infomercial ni Sarah. Ipinakita rin ang Dance at Music Video na kinunan sa Legazpi City (para sa Luzon), Cebu City (para sa Visayas), at Davao City (para sa Mindanao) ng CPH na nagpapaalala sa lahat na ang paparating na 2020 Census of Population and Housing ay gagawin sa buong bansa.

Si Flor Varona ang sumulat ng jingle samantalang ang lahat ng band members ay galing sa iba’t ibang branch ng Philippine Statistics Authority. Ang mga dancer naman ay galing sa Central office (NCR) pati na rin sa iba’t ibang Regional Field Office.

Ang Philippine Statistics Authority (PSA) ay binigyan ng mandate o utos ng pamahalaan sa pamamagitan ng Executive Order No. 352 at Republic Act 10625 na simulan na sa Seytembre 2020 ang pagce-census. Ang lahat ng mga sambahayan at mga institusyon ay mapapasailalim sa isang masusing pagkalap ng datos sa kanilang bilang at iba’t iba pang impormasyon sa pamamagitan ng 2020 Census of Population and Housing o CPH.

Ang buong proseso nito ay ang pagpunta ng mga kawani ng CPH sa mga bahay at komunidad. Ang mga datos na kukunin ay sex, edad, marital status, edukasyon, relihiyon, ethnicity, disability, trabaho, at mga datos ng pagkasilang at pagkamatay na kasama sa sambahayan.

Layunin ng 2020 CPH na maghatid ng mga kasalukuyang datos na makatutulong sa gobyerno na makapagbuo ng mas kapaki-pakinabang na mga polisiya, mga plano, at proyekto. Ito rin ay maghahatid ng mahahalagang impormasyon para sa mga negosyo, iba’t ibang industriya at non-profit organization pati na rin ang mga research at academic institutions. Ito ay magsisimula nang maipatupad sa buong bansa simula ngayong Setyembre 1, 2020. Ito ay magmamarka sa ika-15 Census ng Population at ika-7 ng Census of Housing.

Nais ipaalam ng PSA sa publiko na iginiit din ni Sarah sa kanyang pag-eendoso na ang mga makakalap na impormasyon sa 2020 CPH ay mananatiling confidential, bilang pagsunod sa Section 26 o Republic Act No. 10625 at Section 8 of Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act of 2012.

Walang datos ang ilalabas na may mapapangalanang indibiduwal o pamilya. Ang pagresponde o pagbahagi sa proyektong ito ng CPH ay mandatory o mahigpit na ipapatupad ng gobyerno na nakasaad sa Section 25 of RA 10625 o Philippine Statistical Act. Samakatwid, ang pagsagot sa bawat tanong sa census ay obligasyon ng bawat mamamayan.

Mahigit 100,000 enumerator at Census supervisor ang mag-iikot sa lahat ng sambahayan para kumalap ng impormasyon sa buong bansa. Ang interview sa bawat sambahayan ay tatagal lamang ng 15 hanggang 30 minuto.

At bilang paghahanda sa gagawing CPH, sumailalim na sa training ang mahigit sa 100,000 enumerator na susunod sa mga polisiyang ipinatutupad patungkol sa pandemya tulad ng pagsusuot ng mask, physical distancing at higit sa lahat may training sa loob ng 13 days para sa mga gagawin nila.

Habang sinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa naga-apply sina Matteo at Sarah ng marriage certificate.

Abala naman si Sarah sa programang The Voice Teens Digi TV na napapanood sa YouTube, iWant at iba pang platform ng Kapamilya Channel sa Skycable.

-REGGEE BONOAN