HANDA ang Team Philippines para harapin ang pinakamahuhusay na chess player sa mundo at maging bahagi ng kasaysayan sa gaganaping FIDE Chess Olympiad Online Championship simula ngayon.

torre

Sinabi ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director Atty. Cliburn Orbe na preparado na ang koponan, ngunit mas kinakailangan nila ang mas malakas na Internet at high-end equipment upang higit na makasabay sa laban.

“Sa talent, wala tayong masasabi sa team natin. Individually, ready sila, concerned lang namin yung mga equipment nila siyempre yung Internet connection. Alam naman natin na dahil sa pandemic mas tumaas ang bilang ng gumagamit ng internet,” sambit ni Orbe sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ via zoom at livestream sa Youtube at Facebook ng Sports on Air kahapon.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Iginiit ni Orbe na marami nang insidenteng nabalewala ang partisipasyon ng Pinoy players sa online chess game dahil naputol ang internet connection.

“May player nga tayo sa isang malaking online match na maganda ang simula pero hindi na nakatapos dahil nawala yung internet connection. So malaki pa rin ang role ng Philippine Sports Commission at ng Smart,” ayon kay Orbe sa lingguhang programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at PAGCOR.

Sinabi ni Orbe na nagpadala na sila ng request leet kay PSC Chairman William Ramirez para sa supply ng bagong laptop, habang nakikipag-ugnayan na rin sila sa SMART-PLDT para sa mas siguradong internet connection.

Ayon naman kay Asia’s first GM Eugene Torre, coach ng PH Team, na hindi pahuhuli ang Pinoy sa online chess at sa pangunguna ni GM Joey Antonio, malaki ang tsansa ng koponan sa laban.

“Just yesterday, nagkampeon si Joey (Antonio) sa Asian Seniors online meet, kaya yung preparation niya mataas talaga. As always si Joey ay isa sa best player natin at sa Asia siya ang top senior player,” sambit ni Torre.

Kabilang din sa Team Philippines sina GM Mark Paragua, GM Darwin Laylo at Woman IM Catherine Secopito at Bernadette Galas, Michael Concio at Jerlyn Mae San Diego.

Kasama ng Team Philippines sa Division 2 ang Gemany, Romania, Turkey, Greece, Spain, Italy, England, Hungary, Israel, Belarus, Sweden, Croatia, Indonesia, Serbia, Bulgaria, Slovenia, Slovakia, Colombia, Ecuador, North Macedonia, Latvia, Switzerland, Norway, Argentina, Austria, Bangladesh, Australia, Moldova, Iceland, Montenegro, Turkmenistan, Kyrgyzstan, Estonia at Netherlands.

“Seeded tayo sa Division 2 kaya sa August 15 pa ang laban ng team kaya mahaba pa ang preparasyon,” sambit ni Orbe.

-Edwin Rollon