Inianunsiyo ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang gagawing pagpapaikli sa operasyon ng kanilang tren simula sa susunod na linggo.
Sa abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na siyang nangangasiwa sa LRT-2, aabutin ng isang linggo ang naturang shorten train operating hours.
Sisimulan anila ito sa Hulyo 27, Lunes, at magtatagal hanggang sa Agosto 2, Linggo.
Sa mga nasabing petsa, ang unang biyahe ng mga tren mula sa Araneta Center-Cubao Station sa Quezon City at Recto sa Maynila ay aalis ng 5:00AM habang ang huling biyahe naman nito ay pansamantalang paiikliin at gagawin na lamang munang hanggang 7:30 ng gabi.
Layunin anila nito na bigyang-daan ang instalasyon ng bagong power cables sa pagitan ng Pureza at Legarda Stations.
“Please be informed that the LRT-2 System will shorten its train operating hours for a week,” anang LRTA.
“Starting on Monday, July 27-August 2, 2020, LRT-2 will close earlier at 7:30PM on both Eastbound and Westbound directions to give way for the installation of new power cables between Pureza and Legarda Stations,” bahagi pa ng paabiso.
Inaasahan namang magbabalik ang normal train schedule ng LRT-2 sa Agosto 3, 2020, Lunes.
Ang LRT-2 ang siyang nag-uugnay sa Recto Avenue sa Maynila at Santolan, Pasig City, ngunit pansamantalang limitado ang biyahe nito mula sa Recto Avenue sa Maynila hanggang Cubao, QC lamang matapos ang naganap na sunog sa Katipunan Station nito noong nakaraang taon.
-MARY ANN SANTIAGO