“KAILANGAN intindihin ng lahat na may kasamang responsibilidad ang mga ito bilang isang mamamayan. Please use your freedom responsibly. Sa panahon ngayon ng krisis, busy kami na nagtatrabaho upang maprotektahan ang kapakanan, interes at buhay ng mga Pilipino. Pero ang iba ay busy naman manira, sinasayang ang oras na magkalat ng fake news, kasinungalingan, at dumadagdag lang sa problema ng bayan,” wika ni Senator Christopher Lawrence Go. May kaugnayan ito sa naiulat na pinaimbestigahan ng senador sa kanyang reklamong cyberlibel ang isang estudyanteng bumatikos sa kanya sa social media. Ang problema, ang umano’y pagkakasalang ginawa laban sa kanya ay ginawa rin ng senador. Sa talumpati ng Pangulo sa Jolo, Sulu sa mga sundalo, ipinagmalaki niya na giniba na niya ang oligarchy. Kasama si Presidential Spokesperson Harry Roque, pinatotohanan ng senador na walang binanggit na mga pangalan ang Pangulo hinggil sa oligarchy na sinabi niyang nabuwag niya. Pinakita pa nila ang video speech ng Pangulo. Eh niretoke pala ito. Sa unedited video clip ng kanyang talumpati, nalaman ang pagtuligsa ng Pangulo sa Lopezes, Ayalas, Consunjis at kay MV Pangilinan. Kabilang din dito ang Rappler at si Sen. Franklin Drilon. Inilabas ang orihinal na talumpati ng Pangulo ng mga independent media.
Kaya, tahasan ang pagsisinungaling lalo na ni Sen. Bong Go dahil nakaharap siya mismo nang magtalumpati ang Pangulo. Ano ang pinagiba niya sa estudyanteng kanyang inireklamo? Pangkaraniwang mamamayan ang estudyante at siya lamang ang kanyang binanatan. Samantalang ang nagsinungaling hinggil sa sinabi ng pangulo ay si Sen. Go na halal na opisyal ng bayan at ang bayan mismo ang kanyang nilinlang.
Hindi pa rin marahil alam ni Sen. Bong Go kung sino siya, kaya masasabi mong hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Dahil kung alam niya, hindi niya gagawin ang kanyang laging ginagawa na nakabuntot siya lagi sa Pangulo saan man ito magtungo at kahit ano ang ginagawa nito. Eh tumakbo siya at nahalal na senador ng taumbayan. Binababoy niya, kung gagamitin natin ang lenguahe ng Pangulo, ang ating gobyerno. Sabay siyang umaakto na Senador at tauhan ng Pangulo, at kung minsan ay nagiging spokesman nito, gayong ginawang hiwalay ng taumbayan sa Saligang batas ang lehislatura at ehekutibo upang maiwasan ang abuso ng kahit sinong sangay ng gobyerno. Sa ginagawa niya, hindi ang taumbayan ang kanyang pinaglilingkuran kundi ang Pangulo. Dahil sa binabatikos siya sa ginagawa niyang ito sa paraang, kay Sen. Go ay fake news, karapatan ito ng estudyante bilang mamamayan ng bansa. Ginagamit lang niya ang kanyang karapatang mamahayag. Inilalagay lang niya sa dapat niyang kalagyan ang senador. Pero, ang linlangin ng senador ng fake news ang taumbayan ay pang-aabuso ng kanilang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya. Sa demokrasya, mas mabuting inaabuso ng mamamayan ang kanilang karapatan kaysa inaabuso ng taong gobyerno ang kanyang kapangyarihan.
-Ric Valmonte