INIHAHALINTULAD ko sa bakal si Mayor Francisco “Yorme Kois” Domagoso dahil sa kanyang katigasan sa pagpapatupad ng batas at iba pang panuntunan, lalo na ngayong may pandemiya, para sa kapakanan ng mga Manileño.
Ngunit katulad ng matitigas na bakal – may unti-unting sumisira rin sa mga ito, at ang tawag dito ay kalawang (rust).
Kapag napabayaan – hindi agad nalinis ng mabuti gamit ang mga anti-rust solution sa merkado -- ang kalawang na nabuo at kumapit nang matagal sa matigas na bakal, kakainin nito ang kinakapitan at sisirain hanggang magkabutas-butas.
Ganyan ang maaaring mangyari sa panunungkulan ni Yorme Kois na LODI ko at ng maraming kababayan natin, lalo na ng mga millenials, sa buong kapuluan – kahit na Maynila lamang ang kanyang pinamamahalaan.
May mangilan-ngilan pa rin kasing mga tauhan sa City Hall na pilit ipinapalusot ang nakagisnang mga gimik na pinagkakakitaan (mapagkukurakutan), kapag nakakasilip ng butas na ‘di abot ng radar ni Yormer Kois.
Sa tagal ko rin kasing gumagala – as in wala sa sasakyan na nag-iikot at naglalakad lang -- sa mga mataong bangketa at kalsada sa Maynila – abot ko ang mga gimik na pinagkakakitaan ng mga taga-City Hall at pulis na mahirap talikuran ng mga bagong opisyal na nauupo rito.
Sabi nga ng isang kaibigan kong retiradong pulis na sa Quiapo at Sta Cruz na nagkatahig: “Paldo ang perang pumapasok sa mga pulis at taga-City Hall na nagpapatupad ng daloy ng trapiko at maging ‘paglilinis’ sa mga vendor sa bangketa, kahit na pa sa loob ng mga iskinita sa lugar na ito!”
At marami pang ibang gimik, gaya nitong natanggap kong reklamo mula sa isang empleyado ng Mercury Drug sa may Laonglaan Street, Sampaloc.
Text sa akin ng isang nagrereklamo: “This morning July 17 at 7am, they clamped all vehicles in front of Sanda Bldg. located at A. Lacson cor Laonglaan street, Sampaloc, Manila. This is illegal move by MPTB as allegedly ordered from an officer because those spaces are still ours, an easement of 8 meters from my property line.”
Dagdag pa niya: “In principle, walang obstruction na nangyayari sa harap ng building ko po, 5 sasakyan ang nilagyan nila ng clamp at nagbayad ng tig P900 for no reason at all. Walang conscience ang nagpapatupad nito kaya sana malaman ito ni Mayor Isko!”
Ang resibong gamit ay tila yun yatang imprenta sa C.M. Recto kaya ang tanong: “Napunta ba sa City hall ang pera o sa bulsa lamang ng mga ‘kalawang’ na ito na sumisira sa pagiging bakal ni Yorme Kois?”
Pumasyal ako sa lugar at nakita kong katabi ng nasabing gusali ay ang Infant Jesus Hospital na marami ring nakaparada pero walang naka clamped ni isa.
Napag-alaman ko na may existing MOA pala sa pagitan ng pamunuan ng Mercury Drug sa buong Maynila at City Hall na maaaring mag-park ang mga customer nito sa harapan mismo ng gusali basta hindi lang sagabal sa daloy ng trapiko sa lugar.
Ang MOA – na walang bayad, libre para sa mga mamimili ng Mercury Drug – ay ‘di agad na renew nitong nakaraang buwan ng Abril dahil sa pandemiya, at nilalakad na ngayon ng pamunuan.
Pero tila yata may gustong “kumita” muna habang di pa napipirmahan, ‘di kaya naman ay mismong MOA na ang gustong pagkaperahan?
Hoy – may pandemya pa…pakabait muna kayo para di “MA-COVID”!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.