Sumugod sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Main Office sa Quezon City ang mga drayber ng jeepney at iba pang public utility vehicle upang magprotesta dahil wala umano silang natanggap na ayuda ng pamahalaan mula nang magsimula ang lockdown nitong Marso ng taon.

Hinaing ng mga drayber mula sa grupong Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston), hindi man lamang silang nabigyan ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).

“Ang hindi po natin maintindihan ay kung bakit tinanggalan na nga kami ng pasada, pinagkakaitan pa kami ng ayuda,” banggit ni Piston secretary-general Ruben Baylon.

Nagtataka rin ang mga ito kung saan ginamit ang mahigit sa P200 milyong inilaan ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng SAP.

National

‘FPRRD ginawa lang lahat, sinugal ang buhay para sa kinabukasan!’—Sen Bong Go

“Milyun-milyon na pala ang inilaan ng gobyernong Duterte sa ayuda, pero ni ho ni ha wala kaming natanggap,” himutok pa ng grupo ni Baylon.

Bukod dito, nananawagan din sila sa pamahalaan na payagan silang maipagpatuloy ang kanilang pamamasada at huwag nang ituloy ang plano ng gobyerno na i-phaseout ang mga lumang jeepeney.

“Panahon na upang singilin si Duterte sa kanyang kapabayaan sa drayber, opereytor at mamamayan. Magkaisa tayong lahat at sigurado ang ating tagumpay,” dagdag pa ng grupo.

-Ellalyn De Vera-Ruiz