HANGGANG ngayon ay wala pang natutuklasang gamot o bakuna ang mga eksperto at dalubhasa sa larangan ng medisina at kalusugan laban sa coronavirus 2019 o Covid-19.
Mahigit na sa 14 milyon ang apektado ng karamdamang ito sa buong mundo na likha ng virus na biglang sumulpot sa Wuhan City, China. Mahigit na sa 500,000 ang namatay. Ano kayang uri ng virus ito?
Sa ngayon, pinakamarami ang United States sa pagkakaroon ng infection ng COVID-19. Halos tatlong milyon ang positibo at mahigit sa 140,000 ang binawian ng buhay. Sa kabila ng makabagong teknolohiya ng US at ng iba pang mauunlad at mayayamang bansa, wala pa ring natutuklasan sa kanilang mga laboratoryo ng angkop na gamot o bakuna sa salot na ito.
Noong 1918, tinamaan din ang mundo ng tinatawag na Spanish Influenza na kumitil ng may 50 milyong tao. Nasugpo rin ito noong 1919. Marami ang nagtatanong kung anong formula o bakuna ang ginamit ng mga dalubhasa at eksperto noon para masawata ang pandemya.
Sa Pilipinas, patuloy rin ang pagdami ng tinatamaan ng COVID-19. Naghahanap at tumutuklas din ng tamang gamot o bakuna ang ating mga health expert at scientist. May nagmumungkahing subukang gamitin ang halamang lagundi sa COVID-19. Ang lagundi ay mabisang gamot sa ubo.
Sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na masusing pinag-aaralan ng kanilang mga eksperto kung may bisa ang lagundi laban sa COVID-19. Hinihintay rin ng DOST ang approval ng Food and Drug Administration tungkol sa lagundi. Sana naman ay tumugon ang lagundi sa sakit na ito na marami nang buhay ang kinitil at pininsala sa maraming bansa sa daigdig.
Sa ibang isyu naman: Nirerepaso at pinag-aaralang mabuti ng economic managers ng Duterte administration ang growth forecasts o pagtantiya sa pagsulong ng ekonomiya sa taong ito matapos suriin ang impact o epekto ng pagpapalawig sa General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Nang tanungin si Finance Sec. Carlos Dominguez hinggil sa economic impact ng GCQ extension sa National Capital Region (NCR) at ilang bahagi ng CALABARZON, sinabi ng Kalihim na: “ I don’t know if it will deepen the recession, it probably will level it off.”
Magugunitang si Dominguez ang humimok noon pa kay Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ilagay ang Metro Manila at ang CALABARZON region sa modified general community quarantine upang muling sumikad ang economic recovery ng Pilipinas. Gayunman, ginawa lang GCQ ang Metro Manila.
Sinabi ng Finance Secretary na ang Metro Manila at Calabarzon ay nagkakaloob ng hanggang 67 porsiyentong kontribusyon sa ekonomiya ng bansa. Gayunman, kailangan aniya ang pagkakaroon ng tamang balanse o reasonable balance sa pangangalaga sa kalusugan ng mga tao at sa muling pagbubukas ng ekonomiya.
Sa paglalagay sa maraming panig ng bansa sa community quarantine (ECQ, MECQ, GCQ, MGCQ), libu-libong maggagawa ang nawalan ng trabaho at libu-libo ring mga kompanya ang tumigil ng operasyon.
-Bert de Guzman