ANG COVID-19 pandemic ay isang tunay na krisis pangkalusugan. Ang virus na nagdulot nito -- severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2)—ay nakapipinsala nang matindi sa kalusugan ng mga taong naiimpeksiyon nito. Sa Pilipinas, umakyat na ang bilang ng kaso ng coronavirus sa 65, 204 (hanggang nitong Hulyo 17). Habang ang bilang ng aktibong kaso ay nasa 39,541. Kung may maganda mang nangyayari rito, ito ay ang paggaling sa sakit ng higit 22,000 at mayroon lamang tayong rate na 596 kaso sa bawat 1 milyong populasyon. Ang huling bilang ay dapat maunawaan na karamihan sa mga naitatalang kaso ay galing sa National Capital Region (NCR).
Ngunit ang krisis pangkalusugan na ito ay nagiging isang krisis pang-ekonomiya. Sa pagtataya ng Asian Development Bank (ADB) maaaring magdusa ang ekonomiya ng mundo sa pagitan ng $5.8 trillion at $8.8 trillion
pagkalugi—na katumbas ng 6.4% hanggang 9.7% ng global gross domestic product (GDP)— bilang resulta ng novel coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Sa lokal, inaasahan ng National Economic Development Authority (NEDA) na magdudulot ang COVID-19 crisis ng P2.2 trillion pagkalugi sa ekonomiya ng bansa ngayong taon. Sa datos nitong Abril lumalabas na nasa 7.3 milyong Pilipino ang pansamantala o permanenteng nawalan ng trabaho dulot ng pagsasara ng mga negosyo. Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE) tinatayang aabot sa katakut-takot na 10 milyong manggagawa ang mawawalan ng trabaho hanggang sa pagtatapos ng 2020. Ang remittances mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs)—na nagsalba sa atin sa mga nakalipas na krisis—ay matinding mapipigil lalo’t marami ang nawalan ng kanilang trabaho dahil sa ekonomikal na pagdurusa ng mga bansang kanilang pinaglilikuran, dulot pa rin ng pandemya.
Sa kabila ng parsyal na pagbubukas ng ekonomiya, ang domestic consumption, na pangunahing makina upang tumakbo ang ekonomiya ng Pilipinas ay malayo pa rin sa pre-lockdown level nito. Ito ay madilim na yugto ng ating ekonomiya.
Ang matinding pagbagal sa ekonomiya ay magkakaroong negatibong epekto sa kalusugan partikular sa kakayahan nating malabanan ang COVID-19. Sa paghina ng aktibidad sa ekonomiya, babagsak ang paggastos at kita sa buwis. Magpapababa naman ito sa resources na maaaring magamit ng pamahalaan at maging ng mga pribadong sektor upang maprotektahan ang mga tao mula sa virus. Ang pagkawala ng kabuhayan ay negatibong makaaapekto sa mga pamilya dahil nangangahulugan din ito ng pagkawala ng kita at kawalan ng kakayahan na maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya kabilang ang para sa kalusugan.
Bagamat kinakailangan talaga ang pagpapatupad ng lockdown noong Marso, noong mga panahong tinutukoy pa natin ang “kalaban”. Ngayon, ang pagpapatupad ng lockdown ay posibleng magdulot ng pinsala kaysa maganda sa mahabang panahon. Kailangan ipatupad ng pamahalaan ang maingat na pagbabalanse upang maipreserba at maprotektahan ang kalusugan ng tao at maiwasan ang higit pang pagkalugmok ng ekonomiya matapos ang pandemya.
Kailangan nating makontrol ang pagkalat ng virus ngunit kasabay nito, hindi natin maaaring hayaang bumagsak ang ating ekonomiya sa matinding pagkalugi na hahantong sa higit na pagdurusa ng mga tao kapag natapos na ang laban. At kailangan nating gawin ang aksiyon ngayon, hindi matapos ang pandemya. Hindi ito pagpipilian o maaaring pagtalunan. Hindi tayo maaaring basta na lamang magpatupad ng lockdown at itigil ang buong ekonomiya. Hindi rin naman natin maaaring buksan na lamang ang ekonomiya nang walang ipinatutupad na panuntunan upang maprotektahan ang mga tao. Kailangan dito ang balanseng aksiyon.
Ang susi ay nasa proactive at desididong pagpapatupad ng localized lockdown sa mga lugar kung saan naitatala ang pinakamatataas na kaso ng impeksiyon. Kailangang magtulungan ng mga opisyal pangkalusugan at mga lokal na lider upang matukoy kung saan kumakalat ang virus at agad na i-lockdown ang isang gusali o kalye o isang barangay upang maiwasan ang mas malawak na impeksiyon. Ginagawa na ito ng ilang lider ng Metro Manila. Kailangang maging surgical at sistematiko ang hakbang. Tukuyin ang pinagmumulan ng pagkalat at pigilin ito. Sa ibang salita, lunasan ang may sakit na bahagi nang hindi isinasakripisyo ang kabuuan.
Kailangan din ng pamahalaan at ng pribadong sektor ng seryosong information drive at higit na seryosong implementasyon nito upang masiguro na ang mga taong lumalabas ng kanilang mga tahanan ay nakasuot ng mask, sumusunod sa physical distancing at good hygiene.
Tunay namang isa itong madilim na yugto ngunit dumaan na rin tayo sa ibang mga krisis at nalampasan natin ito. Gamit ang proactive at balanseng aksiyon, malalampasan dinang krisis na ito.
-Manny Villar