Magdaraos ng ‘Mass for Justice and Peace’ ang Archdiocese of Manila sa Manila Cathedral sa Lunes, Hulyo 27, kasabay ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, ang lahat ng mga gaganaping banal na misa sa nasabing petsa ay iaalay ng arkidiyosesis para sa kapayapaan at katarungan sa bansa.
Sinabi ni Pabillo na ang pananalangin o ang espiritwal na aspeto ang pinakamahalagang maibabahagi ng Simbahan para sa kapakanan ng buong bansa kaya’t ilalaan ng mga Simbahan sa buong arkidiyosesis ang lahat ng
misa sa pananalangin para sa pananaig ng kapayapaan at katarungan sa bayan.
“Kami po sa Simbahan ay mag-aambag sa araw ng SONA. Ang aming maibibigay at ang pag-ambag ay ang aming panalangin, mahalaga din ang espiritwal na component ng ating bansa. Kaya dito po sa Archdiocese of Manila lahat ng mga misa sa araw na ito sa umaga, sa tanghali, sa hapon, iyan po ay misa upang ipagdasal ang bayan,” ani Pabillo, sa church-run Radio Veritas.
Inaanyayahan rin ng Obispo ang bawat mananampalataya sa gagawing “PANALANGIN NG SAMBAYANAN PARA SA KATARUNGAN AT KAPAYAPAAN – SONA.”
“Magkaroon po tayo ng sama-samang pagdadasal kung pwede kayo ng alas-12:15 ng tanghali sa July 27, ‘yan po ang misa ay gaganapin sa Manila Cathedral na doon sama-sama tayong magdasal, mas maganda not only during the day but at the same time we pray together for the sake of the country and reflect about the state of the country asking the wisdom coming from the Lord Jesus,” paanyaya pa ng Obispo.
-MARY ANN SANTIAGO