TILA unti-unting nadaragdagan ang mga balat-sibuyas na opisyal sa pamahalaan, pulitiko at negosyante, na sumusubok na patahimikin ang mga taga-media na kritikal sa kanila, gamit ang iba’t ibang pamamaraan ng pananakot upang busalan ang industriya.
‘Di pa nga tumitining ang naghihimagsik na damdamin naming mga lehitimong mamamahayag sa masalimuot na pagsasara ng higanteng ABS-CBN, ay kabi-kabila naman pangha-harass sa mga kabaro ko sa iba’t ibang sektor at panig ng bansa.
Ito ay dahil lamang sa pagtupad ng mga taga-media sa sinumpaang tungkulin – na ilantad sa publiko ang anumang “kababalaghan” na apektado ang mga ordinaryong mamamayan na nagbabayad ng buwis na ginagastos ng mga taong gobyerno.
Ang masama rito, maging ang ilang negosyo na may malaking epekto sa buhay ng mga kababayan nating tumatangkilik sa mga ito, nakikisakay na rin sa masamang gawi – ang busalan ang mga taga-media na naglalatad ng katiwalian o pagmamalabis, lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Gaya nitong pinaka huling nagiging usap-usapan ngayon ng ilang grupo ng mga mamamahayag – karamihan ay mga business reporter - na umano’y nakatanggap ng banta mula sa isang de-kampanilyang law firm sa bansa.
Nagbanta kasi ang law firm – sikat na ito noon pang martial law days sa bansa – na kakasuhan ang mga reporter kapag hindi tumigil sa isyung kaugnay ng tinatawag na DOSRI o report na inilabas ng “directors, officers, stockholders, and their related interests” hinggil sa mga naging paglabag ng isang malaking commercial bank, na namamayagpag ngayon sa bansa.
Sinulatan umano ng sikat na law firm ang mga mamamahayag na naglabas ng detalye ng DOSRI na nagsasabing “inaprubahan ng bangko at ni-release ang mga pautang na nagkakahalaga ng mahigit sa 4 na bilyong piso, at inakusahan ang bangko ng hindi pagtupad sa mga kinakailangan sa pag-uulat para sa mga DOSRI loans, na hinihingi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).”
Pagdiriin ng law firm, ang proceedings na inihain sa BSP ay “confidential in nature” at hindi dapat isiwalat sa mga “third parties”.
Katwiran naman ng mga apektadong mamamahayag: “Totoo nga, hindi namin narinig mula sa BSP ang bangko na pinag-uusapan, o ang nagrereklamo. Pero maaari at dapat bang ibunton ang sisi sa media dahil sa pag-uulat ng impormasyon na nakalap nito at may interes sa publiko? Dapat ba silang kaladkarin sa korte dahil lang sa pagtupad ng kanilang mga trabaho?”
Dagdag pa ng mga taga-media: “Ang BSP mismo ay hindi nakipag-usap sa anumang publication o mga miyembro ng media na nag-ulat sa isyu ng DOSRI. Hindi ito nanghimasok o naglabas ng gag order sa media dahil sa paglabag umano sa confidentiality rules nito. Kung ang BSP mismo ay hindi tumatawag sa media, bakit pinapayagan ang bangko na ito na gamitin ang expensive law firm upang patahimikin ang media?”
Medyo nababahala ang mga kasamahan nating ito dahil sa nangyayaring naiibang kalakaran ngayon sa bansa, na ginagaya at kumakalat na sa mga opisyal ng pamahalaan na mga ayaw mapuna o mapulaan sa katarantaduhan nilang pinaggagagawa habang nakaupo sa puwesto.
Paalala ko lang sa mga balat sibuyas na opisyal na ito -- trabaho namin ang kalkalin at ilabas ang baho ninyo sa publiko. Kung “confidential” ang impormasyon, aba’y bantayan n’yong mabuti para ‘di mag-leak, dahil kapag “sumingaw” yan, siguradong may kasama kayong ‘di masikmura ang pinaggagagawa ninyo at gustong ilantad ang kabulukan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.