NALULUHA kami habang binabasa namin ang madamdaming pahayag ni TV Patrol reporter, Chiara Zambrano para sa mga kasamahang nawalan ng hanapbuhay sa ABS-CBN sa Current Affairs department.
“The Chilling Effect. The Killing Effect.
“Wala na siya.”
“Wala na siya.”
“Wala na sila.”
“Lahat sila.”
“Itong mga nakalipas na araw ay parang walang katapusan. Sana hindi niyo ito maranasan. Ang makita mong isa-isang nalalagas ang pamilya mo. Mga kaibigang nakikita mong papasok sa opisina ng boss, nanginginig pero ngingitian ka, lalabas nang nakayuko at mugto ang mata. Alam mo na. Alam na rin niya. Mga kaibigan mong ayaw sagutin ang telepono kasi alam mo na. Alam na rin niya. Mga katrabahong nakayuko pa rin sa computer, naghahabol ng deadline, uma-attend ng meeting, patagong pupunas ng luha. Kasi patuloy ang pagbabalita. Patuloy na umiikot ang mundo, kahit tumigil na ang mundo niyo. Magtatrabaho hanggat may trabaho.
“Kagabi ko pa dapat ito isusulat pero hindi ko na kaya. Pero kailangan niyong malaman. Magsasalita ako para sa kanila.
“Patay na po ang Current Affairs ng ABS-CBN. Ang buong department na gumagawa ng mga dokumentaryo, weekly magazine show, educational programming, payong medikal.
“Sila ang gumagawa ng mga mahahalagang istorya ng mga ordinaryong tao, kuwento mo at kuwento ko, yung hindi ibinabalita sa news, pero importanteng mapakinggan ng lahat.
“Wala na sila. Wala na silang lahat. Yung iba rito, sila din ang mga buo ng The Correspondents, Pipol, Hoy Gising... yung mga kinalakihan nating palabas.
Dekadang marangal na trabaho. Burado sa isang iglap.
“Sa Current Affairs ako pinanganak, ang The Correspondents ang una kong magulang. Sila ang nagturo sa aking ng tama at mali bilang mamamahayag, at kung paano maging kuwentista. Kung ano ako ngayon ay dahil sa kanila. Hindi ko man lang sila maisalba.
“Sa mga nasa labas ng ABS-CBN, kailangan niyong malaman ang mga nangyayari sa loob. Libu-libong buhay ang nasisira. At namamatay ang napakaraming programang tumutulong sa lipunan. 11,071 na puso ang durog ngayon.
“Kailangan namin ng tulong niyo para ipagpatuloy ang laban para sa malayang pamamahayag, hustisya, at ang karapatang mamuhay nang ligtas sa bayang ito. Kami ang sinampolan, sino sa inyo ang susunod? Hindi lang sa amin nagtatapos ito. Kami lang ang simula.
“Ang hirap lumaban nang nagluluksa. Pero wala namang labang madali, di ba?
Sa ngayon, pangalanan natin ang mga nawala. Pagkatapos, ipaglaban natin sila.”
Kasama ng pahayag ni Chiara, binanggit niya ang mga namaalam na programa ang
#NoFilter, Matanglawin, Failon Ngayon, My Puhunan, Salamat Dok, salamat, Mission Possible, Sports U, Umagang Kay Ganda, SOCO, Kuha Mo, at Rated K.
Pahabol pa ng reporter: PS: Ano mars, di mo pa rin makita yung chilling effect?
Killing effect. There. Fixed it for you. #IStandWithABSCBN #DefendPressFreedom #Laban
-REGGEE BONOAN