“BINUWAG ko ang oligarkiya na kumokontrol ng ekonomiya at mamamayan nang hindi ko idinedeklara ang martial law. Hindi sila nagbabayad ng buwis. Bawat eleksyon noon, ngayon at bukas, nasa isang silid lamang sila. Sino ang ating kandidato? Isang pamilya lang sila. Ganyang pinaglalaruan ang aking bansa. Sinasamantala nila ang kanilang political power,” wika ni Pangulong Duterte sa mga sundalo sa Jolo, Sulu nitong nakaraang Lunes ng hapon. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang sinabi ng Pangulo hinggil sa mga oligarchs ay hindi patungkol sa mga Lopezes. Ang kanyang tinutukoy, aniya, ay mga Ayalas, Pangilinan at Lucio Tan. Ang bahagi ng talumpati Pangulo ay inilabas noong Martes ng Radio Television Malacañang. Pero, lumabas na ang 40-minute video clip ng kanyang talumpati ay edited dahil wala dito ang ABS-CBN na kanyang binanggit na oligarch. Sa unedited na video clip, ganito ang sinabi ng Pangulo: “Binaboy ako ng ABS-CBN. Pero, nasabi ko na kapag ako ay nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy sa Pilipinas. Ginawa ko ito na hindi ko idenedeklara ang martial law. Sisirain ko ang mga taong kumokontrol ng ekonomiya at nang-aapi ng mamamayan at hindi nagbabayad ng buwis.”
Naunang kinumpirma ni Roque sa isang text message sa mga mamamahayag ang pagbisita ng Pangulo sa Jolo, Sulu noong nakaraang Lunes. Hindi na siya nagbigay pa ng ibang detalye. Pero, ang pagdalaw ng Pangulo ay naganap dalawang linggo na ang nakararaan pagkatapos na barilin at napatay ng mga pulis ang apat na sundalo malapit sa Jolo police station. Inaasahan na ang pagbisita niya sa Jolo, Sulu ay para kausaping muli ang mga sundalo at dalawin ang burol ng mga kasama nilang nasawi. Lagi namang ginagawa ito ng Pangulo kapag may namatay na sundalo o pulis kahit saan man ito pinaglalamayan. Isa pa, nang dumalaw siya sa Zamboanga City, umapela siya sa mga sundalo, dahil noon ay mainit na sila sa pagkamatay ng kanilang kabaro, na manatiling kalmado at hayaang maimbestigahan ang insidente at mapanagot ang may sala. Pero, naganap din ang kanyang pagdalaw sa Jolo dalawang araw pagkatapos na ibasura ng Houe panel ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Bakit edited na ang apatnapung minutong talumpati ng Pangulo nang ito ay ilathala? Kasi nais itago sa publiko ang pagbanggit niya sa ABS-CBN na isa ito sa mga oligarch na ipinagmalaki niya sa mga sundalo na kanyang nabuwag. Nais niyang mapaniwala ang bayan na wala siyang kinalaman sa pagkakait sa ABS-CBN ng panibagong prangkisa ng House Committee on Legislative Franchise at Good Governance. Na siya ay neutral. Ang problema, hindi siya nakapagpigil sa tuwa at naibulalas niya ang kanyang katuwaan at ang katuparan ng kanyang banta na hindi na makakakuha ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN dahil haharangin niya. Ginawa pa niya ito sa mga sundalong hindi nag-aakalang magiging ganito ang tema ng kanyang talumpati kundi ang hinggil lamang sa pagpatay sa apat nilang kabaro. Kailangan ding retokihin ang kanyang speech upang hindi mapahiya ang mga Kongresistang nagpapanggap na independiente sila kahit sunod-sunuran sila sa Pangulo. Sa ayaw nila at sa gusto, nasa bulsa sila ng Pangulo. Sabi nga ni Cong. Joey Salceda, nang tanungin siya tungkol sa naging resulta ng pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN, “Takot ang mga Kongresista sa Pangulo.”
-Ric Valmonte