DAHIL sa apat na buwang lockdown na nagsimula noong Marso 16, inaasahan na ang pagbaba ng ekonomiya ng Pilipinas sa walong porsiyento ngayong taon, isa sa pinakamabagal na pag-ahon sa Asya, ayon sa isang pagtataya ng London think tank Capital Economics.
Ipinapalagay na papasok ang ekonomiya ng bansa sa isang technical recession sa ikalawang bahagi ng taon, matapos ang 0.2 porsiyentong pagbaba sa output nitong unang bahagi ng taon. Mas mababa naman ito sa inaasahan ng pamahalaan na 2.4 hanggang 3.4 porsiyento.
Ang nagpapatuloy na lockdown at ang kakulangan ng fiscal support ang pagpapabagal sa pag-ahon ng Pilipinas, ayon sa London think tank. Kaiba naman ito sa China, Vietnam at Taiwan na inaasahang pinakamabilis na makaaahon sa rehiyon, dahil sa kanilang tagumpay na mapigil ang pagkalat ng coronavirus.
Umaasa ang ating mga economic officials sa pamumuno ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na luluwag na ang restriksiyon sa Metro Manila at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon), na sumasakop sa 70 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Kung maililipat ang General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila at Calabarzon sa Modified GCQ (MGCQ), tulad ng inaasahan ng karamihan noong Hulyo 15, makahahabol ang ekonomikal na aktibidad sa bansa. Ngunit najgdesisyon ang pamahalaan na panatilihin ang rehiyon sa GCQ. Sumang-ayon naman si Secretary Dominguez sa desisyong inirekomenda ng mga health experts ng pamahalaan.
Ilang bahagi na ng bansa ang nalipat sa Modified General Community Quarantine (MGCQ), ang huling hakbang bago ang pinal na “new normal” na may minimum restrictions. Kabilang dito ang Laguna, Cavite, at Rizal, sa timog lamang ng Metro Manila. Tanda ito na napababa nila ang bilang ng mga naitatalang kaso sa kanilang mga lugar.
Nananatili ang Metro Manila sa GCQ. Malaking bahagi ang nakaasa sa kakayahan ng 16 na lokal na pamahalaan na kailangan mapababa ang bilang ng mga naitatalang kaso at pagkamatay sa kani-kanilang nasasakupan sa tulong ng mga pulis.
May panibagong 15 araw sila upang patunayan ito. Umaasa tayo na mapapababa na natin ang bagong kaso ng coronavirus sa loob ng 15 araw, upang tuluyan nang matanggal ang ibang restriksyon at makapagsimula na muli ang ekonomiya.
Ang muling pagbubukas ng mga negosyo at industriya ay magpapataas sa ekonomiya mula sa lalim ng recession na kinasadlakan nito. Higit pa rito, makatutulong ito na maibalik ang buhay ng mga tao sa dati—sa kanilang mga tahanan kasama ang kanilang pamilya, sa mga paaralan at pamilihan, sa lansangan at parke, at sa mga simbahan.