HINIKAYAT ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) nitong Biyernes ang publiko na igiit ang kanilang karapatan para sa isang bukas at mabisang serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng Citizen’s Charter, isang opisyal na dokumento na nagpapaliwanag, sa simpleng termino, ng mga impormasyon hinggil sa mga serbisyong ipinagkakaloob dapat ng ahensiya ng pamahalaan sa mga mamamayan nito.
Higit sa pagsisilbi bilang basehan ng pagkilala sa naging tungkulin, ang Citizen’s Charter din ang basehan sa pagtatatag ng “accountability” sa pagbibigay ng mga serbisyong pampubliko, na nakasaad sa implementing rules and regulations ng Republic Act (RA) 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Itinatakda ng RA 11032 ang mga nakikipagtransaksyong publiko sa isang Citizen’s Charter na dapat na nakapaskil sa bukana o sa espasyo na madaling makita at mabasa sa isang opisina ng gobyerno.
Dapat itong nasa porma ng information billboards tulad ng touchscreen information kiosks, electronic billboards, posters, tarpaulins, o anumang materyales na mababasa nang maayos at maiintindihang mabuti ng publiko.
Dapat ding available ang Citizen’s Charter para sa pagbasa sa porma ng handbook na may soft copy na naka-upload sa mga ahensiya ng pamahalaan.
“A Citizen’s Charter is akin to a menu in a restaurant. It is there that you can see what dishes are being served and how much. Likewise, a Citizen’s Charter is required of every government office big or small, because it reflects all the services being offered, fees to be paid, requirements needed to be submitted, and most of all the processing times per service. This must be posted in the most prominent place in the entrance of every office so the people may hold the agency to those standards as listed in the Citizen’s Charter. In short, the Citizen’s Charter is the agencies’ social contract with the people,” paliwanag ni ARTA Director General Jeremiah Belgica.
Kapag nakikipagtransaksyon sa mga ahensiya ng pamahalaan, hinikayat ng ARTA ang publiko na hanapin ang mga impormasyong nasa Citizen’s Charter:(a) isang komprehensibo at magkakatulad na checklist para sa mga kailangan sa bawat uri ng aplikasyon o kahilingan; (b) isang step-by-step na proseso para sa pagkuha ng partikular na serbisyo; (c) tao na responsable para sa bawat bahagi ng proseso; (d) laang oras para matapos ang proseso; (e) dokumentong kailangan mong iprisenta; at (f) halaga ng bayad na dapat mong bayaran at kung saan dapat ito gawin. At huli kailangan ding ipaalam sa nakikipagtransaksyon sa pamamagitan ng Citizen’s Charter ang (g) proseso na maaari nilang gawin kung kailangan nilang maghain ng reklamo sa ahensiya.
Para sa Hulyo 25 na itinakdang deadline para sa pagpapasa ng mga ahensiya ng kanilang nirebisang Citizen’s Charter, iniatas din ng ARTA na ang bagong mga proseso na inimplementa at lahat ng rebisyon sa dati nang serbisyo na ginamit bilang konsiderasyon sa pagdedeklara ng State of Public Health Emergency ay kailangan ding makita sa kanilang mga Citizen’s Charter.
PNA