MATINDING talaga ang virus na ito ni Corona (COVID-19) dahil walang sinasanto. Maging ang mga lider ng mundo, pangulo, Prime Minister, diktador ay tinatamaan ng bagsik at lason kasama ng mga ordinaryong mamamayan ng mundo.

Baka sa paglabas ng kolum na ito, umabot na sa 14 milyon ang apektado ng pandemya sa daigdig na hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang bakuna ang mga matatalino, dalubhasa at paham sa larangan ng medisina at kalusugan.

Mahigit na sa kalahating milyong mga tao sa daigdig ang pumanaw. Sa mga bansa, pinakamarami ang infected sa United States. Mahigit na sa tatlong milyon ang positibo sa COVID-19 samantalang malapit nang maging 140,000 ang mga Kano na namatay.

Sa Pilipinas, malapit nang umabot sa 60,000 ang nagpositibo sa salot at halos may 1,500 na ang pumanaw. Maaaring tumama ngayon ang forecast ng UP OCTA Research Group na aabutin ng 65,000 ang magiging infected ng coronavirus ngayong Hulyo at posibleng lumundag sa 100,000 sa Agosto.

Uulitin natin ang simpleng paalala ng Department of Health (DoH) upang makaiwas ang isang tao sa COVID-19: Laging maghugas ng mga kamay, magsuot ng facial mask, at magsagawa ng physical distancing o tamang agwat sa kasunod na indibiduwal. Siyempre pa, iwasan ang pagtungo sa maraming tao at malalaking pagtitipon!

Sa Kamara, may nakahaing panukala na ang layunin ay lumikha ng isang Medical Reserve Corps (MRC) upang higit na maging handa ang sistema ng pangangalagang-pangkalusugan sa Pilipinas laban sa COVID-19.

Sa pamamagitan ng sistemang ito, hihikayatin o kukunin ng pamahalaan ang mga graduates na may kurso sa medisina, nursing, medical technology at iba pang mga kurso na may kinalaman sa larangan ng panggagamot at kalusugan. Habang wala pa silang linsensiya, kukunin sila ng gobyerno para mapalawak ang mga frontliner sa panahon ng national emergencies at disasters.

Habang sinusulat ko ito, ang pinakahuling miyembro ng gabinete ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na tinamaan o nagpositibo sa COVID-19 ay si Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Siya pa naman ang hinirang bilang Isolation Czar na responsable sa paggawa ng mga quarantine facilities.

Bukod kay Villar, nagpositibo na rin sina DILG Sec. Eduardo Año at DepEd Sec. Leonor Briones. Salamat naman at sa dakong huli, sila ay nagnegatibo na. Nag-self-quarantine naman sina AFP chief of Staff Gen. Felimon Santos, Defense Sec. Delfin Lorenzana samantalang si presidential spokesman Harry Roque ay sumailalim sa swab test. Negatibo raw ang test result ni Sec. Harry.

ooOoo

Naniniwala ba kayong talagang nawasak o na-dismantle na ni PRRD ang oligarchy sa bansa matapos maipasara ng Kongreso ang ABS-CBN na pag-aari ng mga Lopez nang hindi bigyan ito ng bagong prangkisa?

Maraming bilyonaryo at mayayaman sa Pilipinas bukod sa Lopez Family. Nariyan ang mga Villar, Ayala, MVPangilinan, Razon, Lucio Tan, Sy Family, Gokongwei Family, at iba pa. Sila ba ay maituturing na mga oligarch dahil hawak nila ang malalaking business o negosyo sa bansa?

Pagkatapos ihayag ni Mano Digong na na-dismantle niya ang oligarkiya sa bansa sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu, niliwanag ni Roque na hindi ang mga Lopez na may-ari ng ABS-CBN ang pinatutungkulan ng Pangulo

-Bert de Guzman