Kumikilos na ang Department of Justice (DOJ) upang alamin ang balitang binawian ng buhay ang convicted druglord na si Jaybee Niño Manicad Sebastian dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa text message nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Undersecretary Markk Perete, binanggit ng mga ito na bine-verify pa nila ang nasabing ulat.

Si Sebastian na nahatulan sa kasong kidnapping at carnapping, ay testigo at kasamahang akusado sa isa sa drug case na iniharap sa Muntinlupa City Regional Trial Court laban sa nakakulong na si Senador Leila de Lima.

Sa nasabing kaso, inakusahan si de Lima na nakikipagsabwatan kina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Jesus Bucayu, sa dating staff ni Bucayu na si Wilfredo Elli, driver nito na si Ronnie Dayan, dating security aide nito na sina Joenel Sanchez, at Jad de Vera sa talamak na bentahan ng droga Bilibid upang makaipon ng pondo para sa kanyang 2016 senatorial campaign.

'Bantayan seguridad!' Giit ni Roque, VP Sara, dapat mag-ingat dahil sa kaniyang Presidential bid

Sa naganap na imbestigasyon sa Kongreso laban kay de Lima, tumestigo si Sebastian at sinabing ibinigay nito kay de Lima ang naipong benta sa droga na nagkakahalaga ng P14 milyon.

Matatandaang nitong nakaraang linggo, inihayag ni Perete na nasa 15 na preso sa Bilibid ang namatay sa COVID-19.

Naunang naiulat na na-cremate na umano ang bangkay ng isang “Jaybee Niño Sebastian” sa Cavite nitong Hulyo 18 ng gabi matapos umanong mamatay sa nabanggit na virus.

Kabilang sa mga namatay umano sa virus at agad na isinalang sa cremation ang mga high profile inmates na sina Francisco Go; Jimmy Yang; Benjamin Marcelo; Zhang Zhu Li; Jimmy Kinsing Hung; Eugene Chua; Ryan Ong at Amin Buratong.

Idiniretso umano ang abo ni Sebastian sa Pancion de Cavite para sa kanyang tuluyang himlayan.

Bella Gamotea

at Jeffrey Damicog