Patay na nang marekober ang dalawang lalaki nang matabunan ng gumuho lupa sa Sitio Ilaya, Barangay Guinacot, Danao City, Cebu nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang dalawa na sina Phylbyrt Giangan, 22, at Kent Daniel Maglinte, 13, kapwa taga-nabanggit na lugar.
Sa imbestigasyon ni Corporal Mark Anthony Manula ng Danao Police, naghahakot ng buhangin at graba sina Giangan at Maglinte nang biglang gumuho ang hinuhukay nilang lupa.
Hinala ng imbestigador, posibleng hindi na namalayan ng dalawa ang lalim ng kanilang nahukay.
Sinasabing kahalintulad na ng tunnel ang nahukay ng dalawa at dahil malambot ang lupa ay gumuho ito.
Agad namang rumesponde ang disaster team ng Danao City gayunman hindi na nailigtas ang mga ito.
-Fer Taboy