Dalawang lalaking pinaghihinalaang drug pusher ang patay nang manlaban sa isinagawang simultaneous buy bust operation sa Baseco Compound, Port Area, Manila, nitong Sabado ng gabi.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)- District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) at District Special Operation Unit ang suspek na si Romualdo Borja, alyas “Boyboy”, taga-Block 15 - B Gasangan Street, sakop ng Brgy.649 Zone 68, Baseco Compound, Port Area.
Ang operasyon ay isinagawa nina PMSg Lester Caguintuan na umaktong poseur buyer habang nagsilbing back-up si PSSg Ronnie Tan, dakong 7:00 ng gabi.
Gayunman, nakatunog umano ang suspek na pulis ang ka-transaksiyon kaya binaril ang mga pulis ngunit hindi tinamaan.
Gumanti si Tan hanggang sa bumulagta ang suspek na agad na isinugod sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center kung saan binawian ng buhay.
Napatay din ng mga pulis ang isang umano’y drug pusher sa kanyang barung-barong sa Blk.1, Dubai St. sa Bgy.649, Zone 68 sa Baseco Compound.
Nakilala lamang ng pulilsya ang suspek sa alyas na “Tutas” habang arestado naman ang kasabwat nito na si Randel Garcia, 26, delivery boy.
-Mary Ann Santiago