KUNG maniniwala kayo sa surveys ng Social Weather Stations (SWS), pito sa 10 Pilipino ang nagsasabing dapat igiit ng gobyerno ang mga karapatan nito sa mga isla sa West Philippine Sea (WSP) na tinatangkang kunin at okupahan ng dambuhalang China.
Sa pahayag na “The Philippine government should assert its rights over the islands in the West Philippine Sea as stipulated in the 2016 decision of the Permanent Court of Arbitration,” lumilitaw na 70 porsiyento ang sang-ayon dito samantalang 13 porsiyento ang di-sang-ayon.
Dahil dito, ang net agreement score ay +57 na inilarawan ng SWS bilang “extremely strong.” Hindi ba sa ibang surveys ng SWS noon, halos 80 porsiyento ng mga Pinoy ang higit na naniniwala sa US kaysa China, pero ito ay binabale-wala ng Malacañang.
Kaugnay nito, apat sa limang Pilipino ang naniniwala na dapat makipag-alyansa ang PH sa mga bansa na handang tumulong sa pagtatanggol sa territorial rights ng ‘Pinas sa WPS. May 82 porsiyento ang sang-ayon at siyam porsiyento ang di-sang-ayon sa pahayag na “The Philippines should form alliances with other countries that are ready to help us in defending our our territorial rights in the West Philippine Sea.”
Samantala, binira ng higanteng China ni Pres. Xi Jinping ang deklarasyon ng Pilipinas sa South China ruling ng Arbitral Tribunal noong 2016 bilang “non-negotiable with no possibility of compromise or change.” Pabor ang desisyon ng korte sa Pinas. Nag-react ang Chinese Embassy sa pahayag ni DFA Sec. Teodoro Locsin na ilang aksiyon ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng PH ay lumalabag sa sovereign rights ng bansa kung kaya ito ay labag o unlawful.
Iginiit ng China na hindi dapat sinabi ito ni Locsin sapagkat nagkasundo na ang dalawang bansa sa maayos na paghawak sa arbitration case upang lalong umigi ang bilateral relations ng China at Pinas. Para sa dambuhalang nasyon ni Xi Jinping, napanatiling malusog ang China-Philippine relations kung kaya patuloy ang pagkakaibigan ng dalawa.
Sa isa pang survey ng SWS na lumabas sa mga pahayagan noong Miyerkules, naniniwala ang tatlo sa apat na Pilipino na itinago o ikinanlong ng China ang mga impormasyon tungkol sa COVID-19 sa buong mundo.
Sa survey na ginawa noong Hulyo 3-6, 61 porsiyento ang naniniwala sa akusasyon ng ibang mga bansa, partikular ang US, na hindi agad ibinahagi ng China sa mundo ang tindi ng coronavirus 2019 at ang mga kamatayan na dulot ng sakit.
Samantala, pito sa 10 Pilipino na naniniwala sa akusasyon laban sa China, ang nagsabing dapat managot ang dambuhalang bansa sa pagkalat ng virus. Halos umabot na sa 14 milyon ang positibo sa COVID-19 at libu-libo ang nangamatay. Ang pinakamaraming biktima ay mula sa US na sumikad na sa 3. 36 milyon. May 137,000 na ang patay sa US dahil sa pandemya.
Siyanga pala, ipinagmalaki ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na nawasak niya ang oligarkiya sa Pilipinas kahit walang martial law. “Without declaring martial law, sinira ko yung mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit at hindi nagbabayad.”
Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa Jolo, Sulu nang dumalaw sa mga tropa ng gobyerno matapos bumoto ng 70-11 ang mga kasapi ng House commttee on legislative franchises na tanggihan ang franchise renewal ng ABS-CBN na pag-aari ng mga Lopez.
May mga nagtatanong kung tumpak ang pahayag ni PRRD. Marami raw bilyonaryo sa ‘Pinas na naghahawak ng malalaking negosyo at ekonomiya, tulad ng mga Ayala, MVPangilinan, mga Villar, Lucio Tan, Sy family, Gokongwei family, Enrique Razon, Ty family at iba pa. Sila ba ay nabuwag din ng Pangulo?
-Bert de Guzman