NAGBABALA kamakailan ang World Health Organization (WHO) at UNICEF hinggil sa nakaaalarmang pagbagsak ng bilang ng mga batang tumanggap ng life-saving vaccine sa buong mundo dahil sa pangambang dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Nanawagan ang mga ahensya ng UN para sa agarang aksiyon upang mabakunahan ang mga bata, lalo’t lumabas sa mga bagong datos na umaabot sa 85 porsiyento ang vaccine coverage sa nakalipas na halos isang dekada bago pa ang pandemya, kung saan nasa 14 milyon ang hindi nababakunahan taun-taon.
“Vaccines are one of the most powerful tools in the history of public health and more children are now being immunized than ever before,” pahayag ni WHO chief Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus. “But the pandemic has put those gains at risk. The avoidable suffering and death caused by children missing out on routine immunizations could be far greater than COVID-19 itself.”
Paliwanag ni Tedros maaari pa ring maibigay ng ligtas ang bakuna sa kabila ng pandemya, at hinihikayat ng WHO ang mga bansa na siguruhing naipatutupad pa rin ang mga programang kaugnay nito.
“COVID-19 has made previously routine vaccination a daunting challenge,” pahayag UNICEF Executive Director Henrietta Fore.
Ito ay dahil sa pagkaantala at mga balakid na nakasagabal para sa pagpapatupad at pagdadala ng mga immunization services na dulot ng pandemya, dagdag pa niya.
Lumalabas sa bagong datos ng WHO at UNICEF na ang mga balakid na ito ay nagbabanta na baligtarin ang tagumpay na mahirap makamit –maabot ang mas maraming mga bata ng mas malawak na vaccine program, na naantala na ng isang dekadang sa pagpapalawak ng sakop.
Sa pinakabagong tala ng vaccine coverage lumalabas na nanganganib na mahinto ang mga pagpapaunlad tulad ng paglalawak ng sakop ng HPV [human papillomavirus] vaccine sa 106 bansa at ang higit na proteksiyon para sa mga bata laban sa mas marami pang sakit.
Halimbawa, sa preliminary data para sa unang apat na buwan ng 2020, nakita ang malaking pagbaba ng bilang ng mga bata na nakakumpleto ng tatlong doses ng bakuna laban sa diphtheria, tetanus, at pertussis (DTP3).
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 28 taon na makikita ang pagbaba ng DTP3 coverage sa buong mundo, ang marker para sa immunization coverage sa loob at labas ng mga bansa.
Dahil sa COVID-19 pandemic, halos 30 measles vaccination campaigns ang nanganganib na makansela, na maaaring magresulta sa mas maraming outbreak ngayong 2020 at sa mga susunod pang taon.
Isang bagong pag-aaral din ang isinagawa kamakailan ng UNICEF, WHO, at Gavi, ang Vaccine Alliance, katuwang ang US Centers for Disease Control and Prevention, Sabin Vaccine Institute, at ang US’ Johns Hopkins Bloomberg School of Public Health. Natuklasan sa pag-aaral na “three-quarters of the 82 countries that responded reported Covid-19 related disruptions in their immunization programs as of May 2020.”
Sa isang pahayag sinabing maraming health workers ang hindi nakagaganap sa tungkulin dahil sa restriksyon sa pagbiyahe, pagtutok sa COVID-19 at kakulangan ng protective equipment.
-Anadolu/ PNA