MULING kinilala ang galing at husay ng Pinoy sa international sports community sa pagkakataong ito sa liderato ng makapangyarihang International Olympic Committee (IOC).

mikee

Nahalal bilang miyembro ng Executive Board ng Olympic body si Mikee Cojuangco- Jaworski , ang kinatawan ng IOC sa bansa, sa ginanap na virtual meeting at election nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Si Cojuangco-Jaworski, kasalukuyang Secretary-General ng Equestrian Federation of the Philippines, ay anak ni dating Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ang one-time Asian Games (Busan) gold medalist ang kauna-unahang Pinoy at nagmula sa Asya, na naging miyembro ng naturang Komite.

Nauna rito, naging miyembro rin siya ng Evaluation Committee para sa 2020 Tokyo Olympics, Women and Sport, at Olympic Channel and Communications.

Ang naturang kumite ang siyang mangangasiwa para sa administration ng IOC at pagtingin sa pagsunod sa Olympic Charter.

Nakakuha si Cojuangco-Jaworski ng 45 boto buhat sa 93 miyembro ng IOC.

Ang IOC ay binubuo ngayon ng Presidente, apat na Bise Presidente at siyam na miyembro ng Board kasama si Cojuangco-Jaworski.

Ikinalugod ni POC Board member at dating Gintong Alay president Jose ‘Joey’ Romasanta ang pagkahal kay Cojuangco-Jaworski sa IOC Execom.

“Isang malaking karangalan sa atin ito. Patunay lamang na kinikilala ng IOC ang programa at liderato ng POC,” sambit ni Romasanta, kilalang malapit sa pamilya ni Mikee at nagsilbing deputy ni Cojuangco sa POC sa nakalipas na mga taon.

-ANNIE ABAD