NASA 3,320 Pilipinong estudyante na naka-enroll sa mga unibersidad sa United States noong 2019 at inaasahang magpapatuloy ng kanilang pag-aaral ngayong darating na pasukan ang nalantad kasama ng nasa 1.1 milyon iba pang banyagang mga mag-aaral sa setro ng isang kontrobersiya. Sinabi ng administrasyong Trump noong Hulyo 6 na kakanselahin nito ang visa ng lahat ng mga nag-aaral sa paaralan sa Amerika na nagdesisyong magsagawa na lamang ng mga online classes dahil sa coronavirus pandemic.
Matapos idemanda ng Harvard University at Massachusetts Institute of Technology, na suportado ng iba pang institusyon, mga teachers union, at nasa 18 estado ng US, ang US federal government hinggil sa visa cancellation order, umatras sa kautusan ang administrasyong Trump noong Hulyo 14 at kinansela na ang visa order.
Ang nakapangangambang kautusang ito ay isa lamang sa bagong hakbang ni President Trump upang mapalayas sa US ang mga immigrants, partikular ang mga nagmumula sa South at Central America sa pamamagitan ng Mexico. Hinaharang din ng federal government ang karamihan ng mula sa mga Muslim na bansa.
Sa kabila ng nagpapatuloy na pandemya, itinutulak ng administrasyong Trump ang maagang pagbabalik sa normal na buhay ng mga Amerikano sa kabila ng lumulobo pa ring bilang ng impeksyon at pagkamatay dulot ng coronavirus sa ilang estado. Dahil dito, plano ng Harvard, MIT at maraming iba pang paaralan na idaan ang karamihan ng klase sa online ngayong darating na pasukan. Gayunman, ang hakbang na ito ay taliwas sa ipinipilit ng federal government na magbalik sa normal ang bansa.
Sa kombinasyon ng dalawang mahalagang interes –pagtataboy ng mga immigrants at pagbabalik ng bansa sa normal, sa lalong madaling panahon – inilabas ng administrasyong Trump ang kontrobersiyal na kautusan noong Hulyo 6 upang bawiin ang visa sa mga dayuhang mag-aaral ng mga paaralang sumasalang sa online classes.
Sumangguni ang Harvard at MIT sa korte. Nagsampa sila sa US District Court sa Boston ng isang petisyon na tumatanggi sa visa guidelines na inilabas ng US Department of Homeland Security (DHS) and Immigration and Customs Enforcement (ICE). At nitong Martes, Hulyo 14, isang federal judge ang nag-anunsiyo na binawi na ng US government ang kontrobersiyal na kautusan.
Sa petisyon, tinawag ng mga paaralan ang kautusan na “arbitrary and capricious” na nagtutulak sa US higher education “into chaos.” May mahigit isang milyong dayuhang mag-aaral sa mga paaralan ng US at ang kanilang pag-alis ay makaaapekto ng malaki sa operasyon ng mga paaralan at maging sa ekonomiya ng bansa. Sinabi ng Institute of International Education (IIE) na nag-ambag ang mga foreign students ng $55.7 billion sa ekonomiya ng US noong 2018.
Higit sa ekonomikal at administratibong rason, ang pagpapatalsik sa mga dayuhang mag-aaral sa US ay tataliwas sa lumang programa ng US na layong paunlarin ang intercultural relations sa pagitan ng US at ng iba pang mga bansa, na sinimulan ng Amerika sa pamamagitan ng Fulbright Program noong 1946.
Lahat ng mga dayuhang mag-aaral sa US sa mga nakalipas na taon – sa ilalim man ng programang Fulbright o sa sarili o suporta ng kanilang sariling pamahalaan at mga internasyunal na samahan—ay hindi lamang natututo sa mga paaralan ng US; ngunit nakikita at nauunawaan din ang buhay sa Amerika.
Sa huli, tila isinantabi ng administrasyong Trump nang ilabas nito ang visa order sa lahat ng mga dayuhang mag-aaral kung hindi pa magbabalik sa normal ang operasyon ng mga paaralan. Masaya tayo na mabilis na natapos ang kontrobersiya sa pagbawi ng kontrobersiyal na kautusan.