KAPANALIG, kahit sa gitna ng ating pag-aalala sa global pandemic, nanatili pa rin ang mga suliraning bumabalot sa ating kalikasan. Isa na rito ay ang unti-unting pagtaas ng lebel ng tubig sa ating daigdig. Ito ang nagiging dahilan ang paglubog ng maraming mga isla sa buong mundo.
Bakit ba tumataas, kapanalig, ang lebel ng ating mga karagatan?
Ito ay bunsod ng climate change, na hanggang ngayon ay nangangailangan pa rin ng ating masusing atensyon. Kapag umiinit ang kapaligiran dahil nakukulong ang emissions at polusyon sa ating kalawakan, napapainit din ang ating karagatan. Kapag umiinit ang karagatan, ito ay umaalsa o nag-eexpand, kaya’t tumataas ang lebel ng dagat. Kapag umiinit ang ating kapaligiran, ang mga glaciers at banig ng yelo sa mga malalamig na lugar gaya ng Antartika at Greenland ay natutunaw rin at nagpaparami ng tubig.
Ayon sa NASA, ang antas ng pagbabago ng lebel ng tubig sa mundo ngayon ay patuloy na tumataas. Noong 1990s, and rate of sea level rise ay nasa 2.5 millimeters pa lamang o 0.1 inch. Ngayon, nasa 3.4 millimeters na ito o 0.13 inches. Kung magpapatuloy ito, ang lebel ng karagatan ay tataas ng 26 inches o pulgada pagdating ng 2100. Kapag mangyari ito, ang mga coastal areas at maliliit na isla sa maraming bahagi ng mundo ay maaring lumubog.
Kaya nga’t maraming mga eksperto ang nag-uudyok sa atin na ituring din ang problemang pangkalikasan gaya ng isang epidemya. Hindi ba’t “new normal” na ang physical distancing, pagsuot ng mask, at maiging sanitasyon dahil takot tayong kumalat pa ang sakit? Dapat din magkaroon ng “new normal” sa ating pakikitungo sa kalikasan. Kung kaya nating baguhin ang ating nakasanayan upang maging malusog, kaya rin natin baguhin ang ating mga nakasanayan para mabuhay rin ang ating kalikasan.
Ang Laudato Si ay nagbabahagi sa atin ng angkop na payo ukol dito: Ang pangangalaga ng mundo ay hindi isang opsyon, kundi isang bokasyon… Hindi natin maihihiwalay ang ating buhay sa kalikasan, bahagi tayo nito at tahanan din natin ito.
Ang ating kalusugan at kaganahan ng ating kalikasan ay magkatuwang. Hindi natin sila maaring paghiwalayin. Nawa’y ang panahon ng quarantine ng malaking bahagi ng ating mundo ay nagbukas ng ating mga mata hindi lamang ukol sa COVID-19, kundi sa kalagayan ng ating inang kalikasan. Masakit man aminin, virus ding matuturing ang tao sa kalikasan. Pinupuno natin ng usok at init ang baga nito, at unti-unting sinisikil ang hangin nito. Tama na. Paglabas sana natin ng ating mga tahanan, kasama sa ating new normal ang pagkalinga sa kalikasan.
-Fr. Anton Pascual