Nasa ‘critical level’ na ngayon ang East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City sa pagtanggap nito ng marami pang pasyenteng nahawaan ng coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang kinumpirma ni EAMC Spokesman Dr. Dennis Ordoña at sinabing hanggang kahapon ay okupado na ng mga pasyenteng may virus ang 90 porsiyento ng kanilang ward.

Sinabi nito na sa loob lamang ito ng dalawang linggo mula nang ideklara at isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

“Around ikalawa or ikatlong linggo ng Hunyo, marami na po talaga,” paliwanag ni Ordoña sa isang panayam sa radyo.

National

Sen. Robin, pumalit kay Sen. Bato sa Blue Ribbon Committee!

Binanggit din nito, nasa 50 porsiyento ng pasyente nilang nahawaan ng COVID-19 ang nasa kritikal na kondisyon.

“Meron lang pong pagkakataon na ‘[yung mga mild cases, ito po ay mga pasyente na na-admit dahil sa ibang kondisyon. Halimbawa nalang po na-stroke or nagkaroon ng vehicular accident tapos, upon examination, mayroon palang ubo. Tapos ite-test namin, that’s the time na meron lang pong mild cases,’ aniya.

Inihayag nito kasalukuyan na nilang ginagawang COVID-19 wards ang 30 porsiyento ng buong EAMC upang matugunan ang standard na ipinatutupad ng Department of Health (DOH).

Nasa 20 porsiyento na rin aniya ng ospital ang ginawang isolation facilities.

“Maaabot na namin itong 30 percent, kasi isinasara na namin ‘yung mga ward para ma-convert into COVID-19 wards. Gayunman, ine-expect po namin na sa loob lang ng isang linggo ay maaaring puno na naman ‘yung aming gagawin na COVID wards,” pagdidiin nito.

-Joseph Pedrajas