MATAPOS tanggihan ng Kamara sa botong 70-11 ang hinihinging bagong prangkisa ng ABS-CBN, nagkaroon ng mahahabang diskusyon kay founder-CEO Sen. Manny Pacquiao ang mga opisyal ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) at ipinasiyang maghahanap ng bagong TV network na magpapalabas ng mga laro nito.
Sinabi ni Commissioner Kenneth Duremdes na kasalukuyang naghahanap ng “bagong tahanan” ang MPBL para sa pagbabalik ng season nito sa susunod na taon.
Ayon kay Duremdes, ang MPBL ay bukas sa alinmang TV networks na may magandang offer matapos makipagpulong kay Pacquiao upang hayaan ang Senador na magpasiya sa susunod na hakbang.
Sa pamamagitan ng landslide 70-11 vote, tinanggihan ng House Committee on Legislative Franchises sa pamumuno ni Palawan Rep. Franz Alvarez ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong 25-year franchise, na nagresulta sa MPBL at iba pang sports leagues na nakatunganga at nawalan ng broadcast partner.
Sapul nang itatag ang MPBL noong 2018, ang MPBL ay nasa ABS-CBN (S+A Channel) sa pamamagitan ng isang “block-time deal” na natapos noong Marso.
Sa ngayon, hindi pa inihahayag ng MPBL kung sino o aling network ang magiging kapartner nito na handang mag-cover ng games ng prime time, tulad ng dating set-up sa ABS-CBN sa unang apat na seasons.
“Hahanap kami na willing to cover us prime time. Kapag meron ng proposals from TV networks, we can already start negotiations,” sambit ni Duremdes.
-Bert de Guzman