SA isang text message ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga mamamahayag, kinumpirma niya ang pagbisita ng Pangulo sa Jolo, Sulu nitong nakaraang Lunes upang kausapin ang mga sundalo at alamin ang kalagayan ng mga nasugatang sundalo. Napag-alaman na mula sa Davao, lumipad ang Pangulo sa Camp Gen. Teodulfo Bautista na siyang headquarters ng 11th Infantry Division ng Philipine Army sa Barangay Busbus, Jolo noong Lunes ng hapon. Inaasahan siyang babalik sa Maynila nitong Lunes ng gabi pagkatapos na mamalagi ng sampung araw sa Davao City. Ang pagdalaw ng Pangulo sa kampo ay naganap dalawang linggo na ang nakaraan pagkatapos na barilin at mapatay ng mga pulis ang apat na sundalo malapit sa Jolo Police Station.
Bukod sa mensahe sa text hinggil lamang sa pagdalaw ng Pangulo sa Jolo, wala nang ibang detalyeng ibinigay si Roque sa media. Hindi kasi ito naging bukas sa media. Pero, bakit naging bukas sa media ang pagtungo ng Pangulo sa Zamboanga City noong Hulyo 3 nang umapela siya sa mga sundalo na manatili silang kalmado? Ikinagalit ng mga opisyal nila ang pagpapatay ng mga pulis sa kanilang apat na kabaro na itinuring na massacre. Wala sanang problema kahit hindi ipinaalam sa media ang pagtungo ng Pangulo sa Jolo, Sulu dahil masasabing hinihingi ito ng kanyang seguridad at kaligtasan. Ang malaking problema ay may nagkuwestyon na sa Korte Suprema hinggil sa kanyang kalusugan. Bagamat ibinasura ng Korte ang petisyon na inoobliga ang Pangulo na isiwalat niya ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan, napakalaki ng kaugnayan nito sa paminsan-minsang lumalabas siya at nakikita ng taumbayan.
Magulo na ang bansa. Walang halos lider na pinagkatiwalaan ng mamamayan noong presidential election na nagbibigay na ng dereksiyon. Napakarami nang nagsasalita at gumagawa na ng kani-kanilang sariling utos at patakaran na kung minsan ay magkakasalungat pa. Pwede na sanang palagpasin ito. Pero, ang napakahirap tanggapin ay nakakapinsala na sila ng bayan. Hindi naman sila ibinoto ng mamamayan pero, gamit ng kanilang kapangyarihang ipinagkaloob sa Pangulo, gumagawa na sila ng kani-kanilang patakaran upang lutasin ang problema ng bayan. Kanya-kanyang gawa ng proyekto na gumagastos ng salapi ng bayan pero hindi naman napapakinabangan ng mamamayan. Paano, walang koordinasyon, patapal-tapal lamang at patsamba-tsamba kung gumawa sila ng remedyo. Ito lang huli, nagtagal pa ang gobyerno nang kunin nito ang mga matagal nang namatay na Pilipino sa ibang bansa. May programang “Biyaheng Balik-Probinsiya,” pero ang mga dukhang mamamayan na nagtiwala dito ay kung saan-saan nang natutulog at naghihintay para makinabang lamang dito. May nauna ngang insidente na inabot ng kamatayan ang isang ina sa underpass sa kahihintay ng masasakyan na ipinangako ng gobyerno na magdadala sa mga gusto nang umuwi sa kani-kanilang probinsiya.
Lumulubha na ang mga krimen. Nagkalat na ang tone-toneladang shabu na kung saan-saan nasasabat. Hindi maialis na mangyari ang mga ito dahil sa kagutuman dulot nang walang direksyong paglalapat ng lunas sa COVID-19. Malabo ang hinaharap na mareremedyuhan ang pagkalat at makontrol ang pandemya dahil sa kawalan ng tunay na lider na iginagalang at nagbibigay ng tamang direksyon. Hindi mareremedyuhan ito ng patago-tagong lider.
-Ric Valmonte