Iniulat ng Department of Education (DepEd) na umabot sa mahigit 21 milyong estudyante ang nagpa-enroll sa pagtatapos ng enrollment period para sa School Year 2020-2021.
Sa datos na inilabas ng DepEd, nabatid na hanggang 8:00 ng umaga ng Biyernes, Hulyo 17, kabuuang 21,344,915 na ang bilang ng mga estudyante na nagpatala.
Ayon sa DepEd, ang naturang bilang ay 76% lamang ng kabuuang enrollment noong nakaraang taon.
Sa nasabing bilang, 20,147,020 ang nagpa-enroll sa pampublikong paaralan habang ang nalalabing bilang ay sa private schools naman.
Kaugnay nito, inaasahan ng DepEd na tataas pa ang bilang ng mga nagpa-enroll sa susunod na linggo dahil marami pang private schools ang hindi pa nakakapag-report ng kanilang enrollees, habang mayroon pa ring pribadong paaralan na nagpapatuloy pa ang enrollment sa ngayon.
Kumpiyansa naman ang DepEd na maaabot nila ang target na 80% nang nakaraang bilang ng enrollees na 27.7 milyon.
Matatandaang noong Hulyo 15 ay nagtapos na ang enrollment period sa bansa.
Tiniyak naman ng DepEd na tatanggap pa rin sila ng late enrollees hanggang Setyembre.
-Mary Ann Santiago