AKALA namin, tuluy-tuloy nang i-o-open ni Sharon Cuneta ang comment box ng kanyang Instagram (IG) account na matagal nang disable nang mag-post tungkol sa pinagdaanan niya nitong mga nakaraang linggo. Pero, pagkatapos maglabas ng damdamin, disable na uli ang comment box ni Sharon.
Post ni Sharon: “Pinagtanggol ang anak; siniraan, ginawan ng istorya, binaligtad, walang tigil na pambabash. Namatayan ng isa sa paboritong Tita, hindi man lang nakita dahil nasa Amerika siya. Di mapuntahan at madamayan ang mga pinsan kong parang mga kapatid ko na sa pagmamahalan at pagdadamayan namin sa pagkamatay ng Mommy Nila. Lumaban sa paninira ng dating kaibigan, pero pinatawad din dahil lahat naman maaaring magbago pa basta tapat sa puso niya.
Lahat ng paninindigan, okay lang na may komontra, pero hindi natural sa tao ang kumontra ng may pambabastos at napakasasakit na salita gayong di naman sila pinipilit na sumang-ayon, kundi rumespeto lang gaya ng noong araw.
Pinadaan pa sa 13 pandinig ang mga Boss namain sa ABS-CBN na ang ilan, hindi lahat, pero ang ilan sa Congreso ay kung kausapin sila ay pasigaw at parang mga kriminal na mamamatay tao na halos ang mga kausap. Parang paulit-ulit lang ang mga tanong pero sinagot ng mapagkumbaba, disente, umamin sa mali at nangako sa harap ng milyong-milyong Pilipino na babaguhin ang mali. Wala namang kahit sinong kumpanya o tao ang perpekto. Tapos, napakabilis pala ng desisyon huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
May isang Senador na nagsabing maghanap na lang daw ng bagong trabaho ang 11,000 mahigit na empleyadong may mga pamilyang apektado ng pagkawala ng hanapbuhay na ito, gayong may mga 16 million na yatang Pilipino ang nawalan ng trabaho at maraming negosyo na ang napilitang magsara sanhi ng COVID-19. Saan at paano hahanap ng trabaho?
Ako po ilang taon nang walang show sa ABS-CBN, nagkatampuhan din kami noon. Pero kundi sa COVID-19, nagsimula na sana ang bagong season ng Your Face Sounds Familiar Kids. Ganoon naman kami- may kanya-kanyang show sa kanya-kanyang panahon kasi iilang araw lang naman meron sa isang taon at ilang oras lang sa isang araw.
Ayoko din ang napanood kong dinaanan ng ilang workers na ‘di nabigyan ng kontrata at hanggang sa tinanggal ay temporary pa rin at biglaan pa. Sumama ang loob ko doon para sa kanila. Pero kung nabigyan ako at nila Angel ng pagkakataon, sana nakausap namin ang mga Boss at kahit paano ay nakatulong kami sa ilang daang mga Kuya naming alam namin kung gaano kahirap ang mga naging trabaho. Sana nabigyan pang pagkakataon ang mga namamahala na itama lahat ng pagkakamali.
Si Sir Carlo Katigbak hindi pa gaanong katagal naming Chairman, pero napamahal sa amin dahil napakabuti at mapagkumbaba talagang tao. At magalig. He ran a very tight ship while he ran our station. And I am so proud to have been able to serve under him. Respeto lang ang ipinakita niya sa akin. Sana nagkaroon pa siya ng maraming taon na pagandahin pa ang pagpapatakbo ng ABS-CBN. I told him in the beginning of the hearings that I WAS NOT GOING TO LEAVE MY CAPTAIN DURING THESE MOST TROUBLED TIMES. And I stayed loyal ‘til the end.
Ngayon lang ako nagpost tungkol dito kasi alam ko pag inumpisahan ko, iiyak ako, at dahil sunud-sunod na ang mga suntok na pinagtatanggap ko na di ko naman po inumpisahan, tapos tinadyakan pa kahit bagsak na, pinatay pa ang mga kapamilya ko. Parang sinunog ang bahay namin. Parang pinatay na rin ang pamilya namin, lalo na ang 11,000 na hindi ganon ganon lang makakahanap ng trabaho ngayon lalo sa panahong ito.
Sabi ko nga, personally, sa akin lang mag-isa, para akong nagulat na na-FPJ style na suntok na sunud-sunod na sinabayan pa ng mga ala-Pacquiao na suntok din. Pero mabuti na rin ang sabay-sabay, para isang malaking SAKIT na lang. Chaka pa sobrang nakakapit ako talaga sa Diyos. Kaya okay ako, kahit na sabi nga ni Lupe, “gutay-gutay na” ang puso ko. Pagod na po ako. Peace of mind and existence na lang ang ine-enjoy ko ngayon. Di na ako nagpapaapekto sa negatibo. Salamat po sa lahat ng nagdasal at nagdadasal para sa akin. Salamat din po sa mga nagdasal at nagdadasal pa para sa ABS-CBN. Bilog po ang mundo. At buhay na buhay ang Diyos. Siya ang may hawak at may alam ng lahat ng mangyayari bukas.”
Ang galing ni Sharon, na-cover ang lahat ng naharap na isyu sa isang mahabang post. Kung magaling kayo, agad ninyong malalaman kung sino ang mga tinukoy niya sa kanyang blind items.
-NITZ MIRALLES