Tatanggap pa rin ang Department of Education (DepEd) ng mga late enrollee para sa School Year 2020-2021 hanggang Setyembre, kahit pa tuluyan nang nagtapos ang enrollment period nitong Hulyo 15.

Reakyon ito kahapon ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo at sinabing hindi na kinakailangan pang i-extend ang enrollment period dahil tatanggapin pa rin naman sa mga paaralan ang mga late enrollees, alinsunod sa Department Order 13 Series of 2018.

“Doon sa polisiya, nakalagay doon, at least 80 percent of calendar days. Pero kung i-o-operationalize mo ‘yun, kung nagbukas tayo ng August 24, pupuwede pa hanggang September tatanggapin (ang late enrollees),” paliwanag ni Mateo sa panayam sa radyo.

“Ang DepEd naman po ay bukas pa rin naman kung sakaling may hahabol na pagpapatala para sa enrollment. Bukas pa rin hanggang sa pagbubukas ng klase,” ayon naman kay DepEd Undersecretary Revsee Escobedo, sa isang Laging Handa briefing.

Probinsya

Binatilyong hiniwalayan umano ng jowa, nagpatiwakal!

Sa rekord ng DepEd, hanggang 5:30 ng hapon nitong Hulyo 15 ay umabot sa 20.7 milyon ang mga estudyanteng nagpatala sa public at private schools.

Sa naturang bilang aniya ay 19.62 milyon ang nagpa-enroll sa public schools at mahigit isang milyon naman sa private schools.

Nasa mahigit 300,000 private schools students naman aniya ang napilitang mag-transfer sa public schools matapos na mawalan ng trabaho ang kanilang mga magulang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Marami pa rin anilang mga estudyante sa private schools ang hindi pa nakakapagpa-enroll sa ngayon hindi lamang sa kawalan ng pampa-enroll kundi dahil marami pa ring mga magulang ang nangangamba para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.

Samantala, ipinaalala rin naman ng education official sa mga paaralan na walang estudyanteng dapat tanggihan sa mga pampublikong paaralan na nais humabol sa enrollment.

Nakatakdang magbukas ang klase sa pampublikong paaralan sa Agosto 24 kung saan iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo ang gagawin, tulad ng blended learning, dahil hindi pa pinapayagan ang tradisyunal na face-to-face learning sa panahon ng pandemya.

“Sa remote areas, kung walang online, ang mangyayari, yung printed modules, ihahatid po yun o kukunin. Tapos isu-supplement yun kung may radio o radio-based instruction po,” pahayag ni Mateo.

-Mary Ann Santiago