‘DI ko mapigil ang humanga kay Mayor Francisco “Yorme Kois” Domagoso nang buksan niya nitong nakaraang Miyerkules ang kauna-unahang libreng drive-thru coronavirus disease-2019 (COVID-19) testing center sa Lungsod ng Maynila, upang makatulong na mapalawak ang mass testing na kampaniya ng pamahalaan.
Ang drive-thru booth ay nasa harapan ng monumento ni Gat Andres Bonifacio, ‘di kalayuan sa Manila City Hall. Bukas ito Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, para kumuha ng blood samples sa mga taong gustong magpa-test, dahil medyo napa-praning sa kaiisip kung infected na sila ng COVID-19.
Ang lahat ng pupunta sa drive-thru booth na sakay ng kahit anong behikulo ay tatanggapin upang makuhanan ng blood sample.
Ang mga blood sample na makukuha rito ay agad na dadalhin sa tatlong bagong bili na COVID-19 serology testing machines na naka-install na sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc, at Ospital ng Maynila.
Yung mga kababayan naman natin na walang sariling sasakyan na gustong magpa-test ay pinapayuhang pumunta na lamang ng diretcho sa tatlong nasabing ospital o ‘di kaya naman ay sa mga health center na malapit sa kanilang mga tinitirahan.
Hindi lamang ito para sa mga Manileño bagkus libre rin itong serbisyo sa mga kababayan nating magagawi sa Maynila na gustong malaman kung malinis ang katawan nila sa COVID-19.
Ang pahayag ni Yorme Kois: “It will be made available to anybody, free of charge. We want to be inclusive with our approach. This is our little share in aligning ourselves, fighting together.”
Hinihimok ni Yorme Isko ang ating mga kababayan, hindi lamang ang mga Manileño, bagkus pati na ang mga taga ibang lugar dito sa Metro Manila na magagawi sa Maynila, na dumaan sa COVID-19 drive-thru para magpa-test, upang gumaan ang kanilang pakiramdam at magkaroon ng “peace of mind”, lalo na ‘yung mga nakararanas ng “minor symptoms” ng sakit na ito.
Sinabi pa ni Yorme na bibili pa sila ng isa pang makina – gaya ng mga naka-install na sa tatlong ospital ng lungsod -- at ilalagay ito sa Justice Jose Abad Santos General Hospital. Ang pinagsama-samang kapasidad ng apat na makinang ito ay aabot sa 89,600 tests sa isang buwan.
Ayon kay Yorme Kois ang bawat makina ay may “accuracy rate of 99.6 percent”, at ang mga magpa-positive sa test ay magdaraan pa rin sa “confirmatory polymerase chain reaction (PCR) testing”.
Oh ‘di ba – iba talagang mag-isip ang mga batang bagong halal na pulitiko sa ngayon.
Mas lalo pa nga’t kung ang naiupong pinuno ay tunay na nakaranas na mabuhay o lumaki sa hirap, nakasama ang mga mahihirap, at iginapang ang sarili upang marating ang rurok na pinapangarap.
Gaya nitong si Yorme kois na sinusubaybayan ko ang bawat sinasabi, ikinikilos at mga proyekto para sa mahal kong lungsod na sinilangan, at talagang BOW ako basta lang sana – ‘wag magbago ang kanyang direksyon na tunay na pagse-serbisyo para sa kanyang nasasakupan. MABUHAY ka Yorme Kois!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.