NAHINTO man ang aksiyon sa Philippine Sports, walang dahilan para maipagpaliban ang eleksiyon sa Philippine Olympic Committee (POC).
Ayon kay POC Secretary General Edwin Gastanes, sa kabila ng ipinalabas na memorandum circular ng International Olympic Committeee (IOC) sa lahat ng miyembrong National Olympic Committee (NOC), na nagsasabi na posible na isabay ang eleksiyon sa 2021 Tokyo Olympics, walang nakikitang dahilan ang POC para iurong ang nakatakdang halalan sa Nobyembre.
“Because of the pandemic, na-reset ang Olympics next year. Sa by-laws kasi lahat ng NOC dapat mag-election after the Olympics. So naglabas ng memorandum ang IOC na nagsasabi na puwedeng ireset ang date ng election sa NOC if ever na may malaking kaganapan. So far, wala naman kaming nakikita sa POC na ganyan kaya tuloy ang election natin,” pahayag ni Gastanes.
Iginiit ni Gastanes na laging nasaisip ni POC president Bambol Tolentino na pamunuan ang Olympic body ng mga lider na gusto ng mga miyembro kung kaya’t ang eleksiyon ang tamang paraan upang hindi mapektuhan ang demokrasya.
“Walang dahilan para hindi tayo mag-election at yan naman ang nais ng ating mga lider,” ayon kay Gastanes sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ via zoom sa Sports on Air at livestream sa YouTube at Facebook.
Naituloy lamang ni Tolentino ang apat na taong liderato sa POC matapos magbitiw sa tungkulin si POC chief Ricky Vargas noong Hulyo 2018. Sa liderato ni Tolentino, nakamit ng bansa ang overall championship sa nakalipas na SEA Games nitong Disyembre.
“Right now, marami tayong dapat gawin lalo na sa pandemic ng COVID-19, kaya kami ay trabaho ng todo sa POC. May mga ipinamigay na ang POC ng libreng bisikleta sa mga atleta at right now nakatutuk kami para masiguro ang kalusugan nila,” sambit ni Gastanes sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at PAGCOR.
Iginiit ni Gastanes na sa kasalukuyang status ng community quarantine sa maraming lugar, umaasa ang POC na maaprubahan na rin ng IATF ang rekomendasyon sa Joint Agreement Order (JAO) para payagan ang pagbabalik sa ensayo ng amateur sports.
“Yung mga kapit-bahay natin unti-unti na silang nagbabalik sa normal training. With this latest development na naalis yung mga sports na umani tayo ng medalya sa nakalipas na SEA Games sa gaganapin sa Vietnam, kailangan maihanda natin ang ating mga atleta,” pahayag ni Gastanes.
Sa kasalukuyan, tanging ensayo na may limitadong bilang ng pro sports Philippine Basketball Association at Philippine Football League ang pinayagan ng IATF.
Niluwagan din ang leisure sports na walking, running, cycling at swimming.
-ANNIE ABAD