MASAMA ang loob ng ilang kapamilya staff kay Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas dahil nag-inhibit siya sa nangyaring botohan sa prangkisa ng ABS-CBN. Aniya, “Ang aking puso ay nasa ABS-CBN, sa kanyang empleyado na ang kanilang ikinabubuhay ay nakadepende sa network. Kaya lang, dahil sa delikadesa at idinidikta ng batas, kinakailangang iinhibit ko ang aking sarili na bumoto sa aplikasyon para sa renewal ng kanyang prangkisa.” Bakit ang ilang kapamilya ay nagagalit kay Rep. Vargas lang? Ito ngang si Rep. Loren Legarda ay hindi dumalo sa pagdinig. Madali itong makalimot. Noong unang kumandidato ito sa pagka-senador ay buo ang suporta ng Kapamilya network. Sa lahat ng kanyang kandidatura, nasa likod niya ito. Kaya nga may halalang naganap na nanguna pa siya sa mga nagwaging senador. Ang kanyang mga ginawa ay sinubaybayan ng mga news reporter ng ABS-CBN lalo na nang magtungo siya sa lugar ng mga kidnapper para isuko sa kanya ang kanilang biktima. Ngayong nangangailgan ng suporta ang network, hindi siya sumipot.
May pagkakaiba ba ang ginawa nina Rep. Vargas at Legarda? Wala. Pinalaki lamang nila ang numero ng boto ng mga humarang sa prangkisa ng kanilang kapamilya network. Naging tahimik si Legarda sa kanyang ginawa, pero isiniwalat ni Vargas ang dahilang ng kanyang pagpigil sa sarili sa pagboto. “Conflict of Interest,” wika niya. Pero, kung determinadong ipagtanggol niya ang kapakanan ng nakadiskubre sa kanyang kakayahan bilang artista, at sinubaybayan ang naging takbo ng pagdinig ng mga komite, mayroon ding dapat gumaya sana sa kanyang ginawa. Dahil ayaw siyang parisan, kumilos siya para hiningi ang kanilang disqualification. Nang talakayin ang isyung political bias, inilabas ng mga ito ang kanilang hinanakit sa ABS-CBN, tulad nina Cong. Janette Guarin, Marcoleta, Defensor, Remulla at iba pa. Sila ang bias na sapat na dahilan para sila i-disqualify at hindi dapat bumoto. Hindi ito ginawa ni Vargas dahil sarili lamang niya ang kanyang isinaalang-alang.
Sa mga sitwasyong ganito, lalo na sa panahon ng kagipitan na ang nakataya ay interes ng taumbayan, mahirap pagkatiwalaan ang mga pulitiko. Lalo na ang mga artistang naging pulitiko. Sarili lamang nila ang kanilang iniintindi at takot silang manindigan kapag sasalungat sa mahigpit na pagsubok. Kapag nangatwiran ang mga ito ay ang dahilan ay ang kanilang kapakanan ay kapakanan din ng bayan. Sa labanang ito para sa prangkisa ng ABS-CBN, muling pinatunayan ng Makabayan Bloc ang pagkakaiba nila sa mga ibang pulitiko. Subok ang kanilang katatagan sa anumang uri ng pagsubok. Sa makatwiran at makatarungang pamamaraan itinaguyod ng buong tapang ni Bayan Muna Rep. Isagani Zarate ang pag-aaproba ng prangkisa hindi dahil sa network kundi dahil sa kapakanan ng bayan.
-Ric Valmonte