Sinampolan ng mga awtoridad ang may 34 na magulang at guardians ng may 40 ‘pasaway’ na menor edad, na naabutang pagala-gala sa labas ng kanilang lugar sa Maynila.
Tinuluyang arestuhin at idinetine ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) -Special Mayor’s Reaction Team (SMART), Jose Abad Santos Police Station 7 (PS-7) at Manila Social Welfare Department (MSWD) ang mga naturang magulang at guardians, matapos na pabayaan ang kanilang mga menor de edad na anak na lumabas ng kanilang tahanan kahit patuloy pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang operasyon ay isinagawa dakong 8:30 ng umaga hanggang 11:30 ng umaga sa mga Barangays 228, 221, 61, 56, 55, 53, 52, 51, at 50 sa pangunguna nina SMaRT PMaj Raul Salle, PCpt.Joseph Jimenez at MDSW Director Charlie Pingol.
Una nang nagbigay babala ang alkalde sa mga magulang na sila ang papapanagutin sa kasalanan ng kanilang mga anak, kung pababayaan pa rin ang mga ito na magpakalat-kalat sa labas ng kanilang mga tahanan ngayong nananatili pa rin ang panganib na mahawa ng virus.
Isinagawa ng rescue operation ng mga bata at menor de edad na lalabag sa IATF guidelines kung saan nakasaad na ang lahat ng 21 anyos pababa ay hindi pinapayagan na lumabas ng kanilang bahay, lalo na at nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Ang mga inarestong mga magulang ay sinampahan ng kasong paglabag sa Ordinance no. 8243 (Anti-Child Endangerment Act) at Republic Act 7610 Section 3 para. C sub para. 6 sa piskalya.
-Mary Ann Santiago