OPISYAL na isasara ng UAAP ang kanilang nahintong Season 82 sa Hulyo 25.
Ang closing ceremony ay nakatakdang ipalabas sa pamamagitan ng live streaming ng kanilang broadcast partner na ABS-CBN na kamakailan lamang ay hindi pinayagan ng Kongreso na makapag renew ng kanilang prangkisa.
Sa nasabing seremonya, igagawad ng UAAP ang general championship kapwa sa seniors at juniors divisions ng naputol na season dulot ng coronavirus pandemic sa University of Santo Tomas.
Sa ika-4 na sunod na taon ay nakopo ng UST ang overall championships sa dalawang divisions matapos makatipon ng 209 puntos mula sa pagwawagi ng titulo, 5 runner-up finishes at 3 third place sa seniors at 159 puntos buhat sa kampeonato sa 5 events, 3 secomd places at 1 third place sa juniors.
Tumapos na pangalawa at pangatlo ang Ateneo sa seniors division habang nakamit naman ng La Salle Zobel at Nazareth School of National University ang ikalawa at ikatlong puwesto sa juniors division.
Wala namang gagawaran ng Athlete of the Year dahil 21 lamang mula sa kabuuang 31 collegiate sports at 16 mula sa 18 high school events ang natapos at naidaos.
At para naman kilalanin ang efforts ng mga atletang hindi nakalaro sa Season 82, magkakaroon ng highlights angmga nakansela at nahintong mga sports na kinabibilangan ng volleyball, football, baseball, softball, athletics, lawn tennis, at 3×3 basketball.
Bilang pagtatapos, ipapasa naman ng Ateneo ang hosting ng UAAP sa Season 83 host La Salle.
Marivic Awitan