ANO ba ang nangyayari sa mga ahensiya ng pamahalaan na inaasahan ng mamamayan na kanilang tagapagtanggol at sandalan sa harap ng mga panganib at kapahamakan? Hindi maiiwasang itanong ito ng mga Pilipino kasunod ng ilang malalagim na insidente (hindi kaganapan) na sangkot ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Paano malilimutan ng mga Pinoy ang naganap na krimen sa Jolo, Sulu na kung saan apat na miyembro ng Philippine Army (PA) ang pinagbabaril ng siyam na kagawad ng Jolo PNP nang walang kalaban-laban. Dalawa sa mga biktima ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA, isang Major at isang Captain.

Sa isa pang pangyayari, isang 15-anyos na dalagita mula sa Ilocos Sur naman na biktima ng rape ng mga pulis, ang binaril at napatay ng kanyang inaakusahan matapos maghain ng reklamo sa tanggapan ng pulisya.

Sa halip na maging protektor at tagakupkop sa dalagita, may mga ulat na ginahasa pa ito at ng magpunta sa tanggapan para magsumbong, tinambangan at binaril ng mga suspect. Ang mga tauhan ng PNP ay paborito ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD).

Kaagad ay binigyan niya ng dobleng sahod ang PNP members, gayundin ang mga kawal ng AFP. Subalit sa kabila ng pagtangkilik sa kanila ng Pangulo upang magpatupad sa mga batas, sila pa ang unang lumalabag at nagdudulot ng pinsala sa mga mamamayan.

Kung noong araw daw ay iginagalang at minamahal ang mga pulis, ngayon daw ay inaayawan na ito at kinatatakutan. Sa halip na humingi ng tulong sa kanila, takot silang lumapit sa mga ito at baka sila pa ang gumawa ng kalapastanganan na siyang nasasaksihan ng mga mamamayan.

Gayunman, hindi lahat ng pulis ay masasama. Marami sa kanila ang mabubuti, tunay na tagapagtanggol ng mga tao at sandalan sa gitna ng panganib at kapahamakan. Sana naman ay isakatuparan nila ang kanilang motto na ang PNP ay protektor ng bayan.

ooOoo

Tatlong kongresista na may-akda ng panukala na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN ang nagsabi na ang pagtanggi ng Kamara sa franchise renewal application nito ay isang pag-atake sa press freedom. Kinuwestiyon nina Reps. Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro, Edcel Lagman ng Albay, at Buhay Party-list Lito Atienza ang resolusyon na pinagtibay ng House committee on legislative franchises na “kumitil” sa kanilang mga panukala.

Sinabi ng tatlong mambabatas na ang resolusyon at ang report ng Technical Working Group (TWG) panel ay salungat umano sa mga ebidensiya na iniharap sa 13 beses na pagdinig. Anila, binalewala ng TWG ang mga napatunayan sa pagdinig na tumalima ang ABS-CBN sa lahat ng probisyon ng Constitution at regulasyon.

“This is a big blow against press freedom in our country and deprived millions of Filipinos of news, entertainment and assistance,” pahayag ni Rodriguez na chairman ng House committee on constitutional amendments.

Samantala, iginiit ng mga mambabatas na nagbasura sa pagkakaloob ng prangkisa sa ABS-CBN na marami itong nilabag na probisyon. Kabilang sa binanggit na paglabag ang umano’y pagiging isang dayuhan ng chairman ng network na si Eugenio “Gabby” Lopez, Jr. at ang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.

Talagang ganyan ang buhay. Sa labanan, may natatalo at nananalo. Sa puntong ito, talo ang ABS-CBN na pag-aari ng Lopez Family. Hindi ba noong martial law, talo rin ang mga Lopez nang kamkamin ng diktador ng network at iba pang ari-arian ng pamilya? Nanalo naman ito nang mapalayas ang diktador.

-Bert de Guzman