ISANG batang anak-dalita na gumuho ang pag-asang makapag-aaral muli sa pinapasukan niyang pampublikong paaralan, dulot ng kahirapang pinatindi ng pandemiyang COVID-19, ang nabuhayan ng loob matapos mabalitaan na pwede na siyang mag-enrol sa pamamagitan ng proyektong “distance learning modality” na inilunsad ng Department of Education (DepEd).
Ang batang ito, na tatawagin kong Mayumi, ay mula sa isang lugar ng mahihirap sa Metro Manila – na halos igapang ng kanyang magulang ang karampot na pambaon at pamasahe sa araw-araw na pagpasok nito sa paaralan -- ay kumakatawan sa libu-libo pang mga mag-aaral na marubrob ang pag-asang makapagtatapos, upang makatulong na maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.
Ngunit sa pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo, kabilang ang mahal nating Inang Bayan, pakiramdam ni Mayumi ay gumuho ang kanyang mga pangarap at malulugmok na lamang lalo sa kahirapan ang kanyang pamilya, dahil matitigil na siya sa pag-aaral at malayong maabot pa ang inaasam niyang pagtatapos.
Nabuhayan ng pag-asa si Mayumi nang malaman ang programang “distance learning modality” ng DepEd, kaya ‘di sila nag-aksaya ng oras ng kanyang mga magulang, gamit ang isang mumurahing smart phone – gadget na tanging nag-uugnay ngayon sa mga nasa laylayan ng lipunan at mga nakaaangat sa pamumuhay – ay agad siyang nakapag-enrol sa paaralan.
Ang kuwento hinggil sa batang ito ay ibinahagi ni DepEd Usec Tonisio Umali sa mga mamamahayag at netizen sa lingguhang news forum na Balitaan sa Maynila na ginaganap sa Bean Belt Coffee sa Dapitan street, Sampaloc, Manila – na naka-online virtual edition pa rin sa ngayon gamit ang application na ZOOM – kung saan nakasama niyang resource speaker si ACT Partylist representative France Castro.
Si Mayumi, kasama ang iba pang mga estudyanteng marubrob ang pagnanasang maka-graduate, ay kabilang sa mga mag-aaral na naghihintay na lamang sa itinakdang pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Ayon kay Usec Umali, ang pinakahuling ulat ng DepEd hinggil sa numero ng mga enrollees para sa taong 2020-2021 ay umabot na sa mahigit 19 milyon -- 18,077,851 sa public schools at 913,591 naman sa private schools – at extended ang enrollment hanggang sa ngayong araw na lang (Hulyo 15, 2020).
Ibinahagi rin ni Usec Umali ang “infographic” ng proseso ng ginawa sa pag-eenroll ng mga estudyante bilang bahagi ng programa ng pamahalaan sa mahigpit na pagpapatupad ng “strict physical distancing measures” upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“Sa tulong ng LGU iba’t ibang drop off points ang ginamit upang makatugon sa enrollment ng mga estudyante. DepEd totally discouraged physical enrollment in schools and similar activity,” paliwanag ni Usec Umali.
At sa lahat ng pagkilos na ito ng departamento ay palaging kaagapay nito ang mga LGU sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na siyang nasa “forefront” ng programa kaya’t naging matagumpay ang enrollment para sa school semester na ito sa gitna ng pandemiyang COVID-19.
Sinabi naman ni Rep. Castro na maraming ulit din silang nag-meeting sa Kongreso kasama ang ilang mambabatas at nagbalangkas ng ilang panuntunan na makatutulong sa problemang kinakaharap ng DepEd sa pagbubukas ng klase at naging matagumpay naman ang pagtutulungan ng mga ito – kung ang pagbabatayan ay ang naging resulta ng enrollment.
Ilang linggo na lamang at uumpisahan na ang “distance learning” sa mga paaralan sa buong bansa – inaasahan ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, 2020.
Harinawang maging matagumpay ito upang ‘di maunsyami ang pangarap ng mga kabataang natutulog sa banig ng kahirapan -- na makabangon, makatayo at tuluyang makaangat sa estado ng kanilang pamumuhay, kapag naka-graduate na sa kursong kanilang pinili.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.