BUKOD sa buhay na nawala at nabalahaw na paglago ng ekonomiya, pinutol rin ng COVID-19 pandemic ang malaking plano ng administrasyong Duterte para sa dapat sanang “Golden Age” ng Philippine infrastructure. Inilarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Build, Build, Build” bilang sentrong programa na nakadisenyo upang matugunan ang malaking pagkahuli ng bansa sa imprastraktura. Layunin nitong pataasin ang public infrastructure expenditure mula sa average na 2.9 porsiyento ng gross domestic product (GDP) sa panahon ng dating administrasyon patungo sa 7.3 porsiyento pagsapit ng 2022. Tinatayang gugugol ang malaking programa ng P8 trillion hanggang P9 trillion.
Ngunit sa pagdating ng pandemic at pagpapatupad ng lockdown, bumagal ang usad ng programa. Sa abiso sa mga manggagawa na manatili sa kanilang bahay, naisantabi ang mga proyektong pang-imprastraktura upang mapagtuunan ang paglaban sa nakamamatay na virus. Sa kabila ng pansamantalang pagkatengga, kumpiyansa na inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) gayundin ng mga economic managers ng bansa, sa idinaos na pre-SONA (State of the Nation) forums, na makakamit pa rin ng BBB program ang mga hangarin nito.
Ayon sa DPWH, halos 24,000 kilometro ng kalsada ang napatayo at naisaayos sa buong bansa, apat na taon matapos masimulan ang malawakang programang pang-imprastraktura ng pamahalaan. Dagdag pa ito sa 23,657 kilometrong kalsada na naipatayo, inayos, pinalawak, pinaganda at ini-rehabilitate, at ang 4,959 mga tulay na naipatayo, napalawak, napaganda, ini-rehabilitate at pinatibay hanggang nitong Mayo 2020.
Sa pagbabalik sa trabaho ng maraming mangagawa dahil sa niluwagang quarantine restrictions, maraming naantalang proyekto ang makapagpapatuloy na upang matapos. Kailangang maipagpatuloy ng pamahalaan ang mahirap na pagbabalanse sa pagprotekta sa kalusugan ng mga Pilipino laban sa coronavirus at pagbuhay sa ekonomiya.
Siyempre, ang pag-unlad ng imprastraktura –tulad sa mga nakalipas na malalaking krisis—ay gaganap sa kritikal na tungkulin na buhayin ang ekonomiya. Kailangan nating masimulang muli ang mga proyektong pang-imprastraktura upang mapanatili ang kabuhayan ng mga tao at mapalakas ang ekonomikal na aktibidad.
Sa kabila ng mga pagkaantala, inisa-isa ng pamahalaan ang mga proyekto na tiyak umanong bubuhay sa ating naghihingalong ekonomiya. Iniulat ng pamahalaan, na 1,066 kilometro ng bagong high standard highways at expressways sa Luzon, Cebu at Davao na may kabuuang investment cost na P802 billion ang itatayo na inaasahang matatapos sa 2022.
Hindi na dapat natin hintayin na matapos muna ang pandemya bago masimulang muli ang mga proyektong ito. Kapag nadiskubre na ang bakuna at natalo na ang virus, handa na ang ating mga daan para sa kalakalan at turismo. Kaugnay nito, ibinahagi ng DPWH na higit 1,700 kilometro ng tourism roads or access roads ang malapit ng matapos. Lilikha ito ng trabaho hindi lamang sa konstruksiyon ngunit tutulong din sa ating industriya ng turismo na makaahon mula sa matinding epekto ng lockdown. Sa madaling salita, dapat tayong mag- “Build, Build, Build” habang nagte- “Test, Isolate and Trace.”
Makatutulong din ang mga road networks (kabilang ang pagpapatayo ng mga bagong tulay dagdag sa 30 meron na) na mapaluwag ang Metro Manila. Dapat natin itong ginawa bago pa ang pandemya ngunit higit matapos malantad ng COVID-19 ang panganib at kahinaan ng isang overpopulated National Capital Region (NCR). Ito ang dahilan kung bakit napakataas ng impeksyon ng COVID-19 sa NCR at Metro Cebu—ang malaki nitong populasyon at abalang aktibidad sa ekonomiya ay nakatulong sa pagkalat ng virus sa maraming tao.
Ipagpapatuloy na rin ng Department of Agriculture (DA) ang konstruksiyon ng kabuuang 3,8859 kilometrong farm-to-market roads at 150 kilometrong farm-to-mill roads na makatutulong sa ating mga magsasaka at iba pang mangangalakal sa probinsiya. Kabuuang 1,540 km ng agriculture roads ang natapos na at naisaayos hanggang nitong Mayo 2020.
Dapat nating gawin ang ating bahagi habang patuloy nating nilalabanan ang virus at inaayos ang ating kinabukasan. Kailangang siguruhin ng pamahalaan na nasusunod ang mga anti-COVID measures (pagsusuot ng mask, physical distancing, atbp) at dapat maging disiplinado at maingat ang mga tao sa kanilang paglabas para pumasok sa trabaho at iwasan ang ‘di mahahalagang lakad. Maaari nating masimulan ang muling pagbuhay sa ating kabuhayan kahit pa patuloy nating nilalabanan ang virus.
-Manny Villar